Tumbas Manipis
Tumbas Manipis

Palitan sa halalan: Daughterte vs BBM

Nov 17, 2021, 12:15 AM
John A. Bello

John A. Bello

Writer/Columnist

HABANG sinusulat ko tong piyesang Tumbas Manipis ay dalawang araw na lang ang dedlayn sa palitan ng mga kandidato para sa halalan sa Mayo 9, 2022.

Sa pampanguluhan ay nakatutok ang buong bansa sa bawat galaw ng isang Mayor Sara ng Davao city, unang binansagang ‘Daughterte’ (wordplay ng daughter of Duterte) ng jaryong Opinyon, na noong nakaraang buwan lang ng filing ng Certificate of Candidacy ay tigas nang katatanggi na siya’y may balak magpresidente kaya naghain siya ng kanyang COC bilang reeleksiyonistang meyor sa lungsod ng Dabaw.

Ay letsugas, nitong mga huling araw, iba na. Una, inatras niya ang kanyang COC for mayor, sabay ng pag-atras ng kanyang brader Baste na katandem niya bilang vice mayor at ito na ngayon ang kumakandidatong mayor. Tas, itong si Daughterte Sara without the H ay nagbitaw sa kanyang regional political party na Hugpong ng Pagbabago dahil sabi ng Comelec, para makatakbo sa isang national position ang isang kandidato ay dapat mag-join sa isang national political party.

Teka muna, bakit nga ba ang ugali nitong mga Delawan na ngayon daw ay Pinklawan, ang bansag nila kay Daughterte ay Sara without the H? What’s with the H ba? Gumugol ako ng kauting panahon sa Google at nanghalukay, tas iyon pala ay nagmula sa sinabi mismo ni Daughterte noong mga nakaraang taon na ‘honesty is not a requirement to a political position’, or words to that effect, di ko magets exactly words niya at this moment na naghahabol ako ng dedlayn o ako ang hinahabol ng dedlayn, but you get the drift.

Anyways, ganun na nga, nagresign siya sa HP at lalong umugong ang usap-usap na patungo na nga si Daughterte sa labang pambansa, partikular sa pampanguluhan, kasi sa isang gaya niya na kahit sa mga presidential preference survey noong mga nakaraang buwan ay nakukuha niya ang top one, so may mga palatandaan na siya, siya na nga, ang gusto ng tao, na dapat pumalit sa kanyang daddy Rodrigo sa Malakanyang.

Heto ang siste, dahil naka-set na, matagal na, ang isang BBM (Bongbong Marcos) sa pampanguluhan dahil, shempre, presidential son din naman, tsaka, dayunyor ng isang Marcos na dahil ng isang Golden Era kuno ng bansa dahil noong panahon ng Marcelo umunlad, umunlad, umunlad ng ganun na lamang ang Pinas sa kanyang pamamahala na nagsimula noong 1965 at nagtapos noong 1986 dahil sa letsugas na Edsa Pipol Power ng mga Delawan na ngayon ay Pinklawan, teyk nowt. Alalahanin ang mga nagawa sa panahon ng administrasyong Marcos na mga imprastraktura at jaw-dropping accomplishments - Cultural Center, San Juanico Bridge, Folk Arts Theater, Light Rail Transit, Bataan Nuclear Power Plant, Masagana 99 at Nutribun, at mga anik-anik pa at di bale na yung pinasara niya mga pahayagan, mga istasyon ng tv at radio, pati kongreso noong pagdeklara niya ng Marcelo at pinakulong mga lider ng oposisyon, at marami ang mga tinurtyur ng kanyang militar na naging berdugo sa ilalim ng Batas Militar, di bale na. Balwals yan sa kapalit na kapayapaan at kaunlaran nga noong mga panahong iyon na hanggang ngayon ay di nakakalimutan ng laksa-laksang mga true believers ng Marcos Democratic Revolution na nagsupling ng New Society na tiyak ay ipagpapatuloy ni BBM Dayunyor dahil sino ba naman ang magmamana sa galing at husay ng ama kundi ang anak?

So ganun, paano ngayon, sino ba sa dalawa: Sara o BBM? Sino ang tatakbo numero uno at tatakbong numero dos para ayos na ang kamada at umarangkada na ang kampanya hanggang biktorya sa Mayo 9? Mapapapayag ba si Dayunyor na umislayd muna to number two kay Sara Daughterte? Pwede bang magnumber two si Daughterte at pagbigyan ang kaganapan ng Great Nostalgia para sa Golden Era noong Marcelo para matupad na ang inaasam ng mga loyalista at Marcosista na madugtungan ang paganern?

Sa ngayon ay nag-uusap daw ang dalawa, mahigpit na nag-uusap, kasi prensyep naman sila, di nga lang malalaman ngayon alin ang mangingibabaw, pramis: prensyep o politiks? Malalaman yan, tiyak kung ano ang lalabas sa tawas pagsapit ng magic day sa Lunes, Nov. 15, mga bes.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.