Tumbas Manipis
Tumbas Manipis

Pag-angkop sa panahon

Sep 22, 2021, 12:46 AM
John A. Bello

John A. Bello

Writer/Columnist

SA PATULOY na pamamayagpag ng pandemya dulot ng Covid-19 at ang malagim na pananalanta nito sa buong mundo sa buhay at kabuhayan ng sangkatauhan sa kasalukuyan ay lumalaganap din ang pakiramdam ng kawalang katiyakan at ang kaakibat na kabalisahan at, sa di iilan, ay ang nabubuo, lumalago at lumalagom na pagkitid ng pag-asa ng bawat isa.

Dahil sa patuloy na lockdown measure sa iba’t ibang lugar upang maiwasan ang Covid infection at transmission ang karamihan ay halos nakababad na lang sa internet, sa mga online platforms, sa social media. At sa newsfeed ng Facebook ay nakapanlulumo at nakapanlalambot ang iyong naeengkuwentro, na dumadalas ay profile pic ng itim na may kandila bilang simbolo ng pagluluksa sa pagkamatay ng kapamilya, kamag-anak, kaibigan.

 

Dumarami na ang pag-aaral, mga pananaliksik, na lumalaganap din ang sakit sa pag-iisip o mental illness dahil sa pandemya kung kaya, kahit anupaman, ay kailangan magpatuloy ang buhay. Ang bawat isa ay kanya-kanyang paraan kung paano ang pag-angkop sa tumitinding sitwasyon, mga paraan ng coping strategies para manatiling nakaagapay sa daloy ng pang-araw-araw na buhay.

 

Noong bata-bata pa ako, noong college life ko at pagkalabas sa school campus upang harapin ang malaking mundo at ang mundo ng trabaho, ay napakaseryoso ko. Ito’y lumalabas sa aking pagsusulat bilang isang writing animal, grim and determined ang dating at astahan, sa politika man o sa mga issues na patuloy na bumabalisa sa akin – kahirapan ng taumbayan, laganap at pananatili ng korapsiyon sa pamahalaan, pagkasira ng kalikasan at ang kaakibat na pagdalas ng mga sakuna at kalamidad, kalungkutan, kasawian. Mga ganyang tipo ang tema na laging nakabalatay sa aking mga pinagsusulat noon sa aking mga pakulom-kolum sa mga local na pahayagan at hanggang sa aking mga pasingaw sa berso na habang palaon ay padalang na nang padalang.

 

Lately, heto at nausisa ko na lamang na ang pagsusulat ko ay nagiging magaan na, patawa kahit sa mga pagtalakay sa iba’t ibang isyu. Pero mostly, pa-good vibes na lang talaga, pampaalis stress, kahit sa mga bagay na totoo o batay sa totoo ay ginagawa kong magaan, makiliti, masaya at bahala na ang reader na kumilatis kung anong mapipiga nilang ‘ibig sabihon’ sa aking mga piyesang tumbas manipis. Ito’y paraan ko ng pag-angkop sa paligid, sa tibok ng lumulubhang panahon, isang paraan ng stress-busting, kumbaga, at kung nagkakape pa, suwabe na.

 

Heto ang isang sampol na ipinoste ko pa nga sa pesteng pesbuk:

 

Di ko talaga basta makatkat sa isip yung kuwentong narinig ko kahapon as a friend, pramis. 

 

Siya daw ay 2 beses nang nagkakobid, una nung di pa natuturukan bandang July, at pangalawa, nung mga wan wik pa lang after naturukan nitong August.

 

Both sa bahay lang daw siya nag-isolationism. Yung unang nakobid daw siya ay na-survived niya sa suob-suob, herbal-herbal, ganern, at halos maubos daw oregano sa kanilang harapan.. 

 

Heto, sa pangalawang kinobid na siya, ang masisteng hayup. Ang pinaka-critical daw talaga pag kinobid ka ay yung sa ikalima hanggang ikasampung araw at talaga raw narun yung lahat ng hirap - pagkawala ng amoy at lasa, paglagnat, ubo, suka, tae, the works. 

 

Short cut tayo sa naganap nung 10th day. Nakatindig na lang daw siya sa may bintana nung araw na yun, hirapan nang huminga, halos puro exhale na lang kaya niyang gawin, at di na siya maka-inhale ng hangin, wating-wating na halos ang kanyang paningin at sa puntong iyon ay nausal niya sa isip na,

 

"Diyos kong mahabagin, katapusan ko na yata to. Huwag pa po sana ngayon, Lord, please, at wala pa akong maiiwan sa aking dalawang anak kundi puro utang, bigyan pa po muna niyo ako ng pagkakataon na makabawi." 

 

Ganun daw kuda niya ke supreme God. Kumbakit sa kawalan na daw niya ng pag-asa ay bigla nagpabili siya ng yosi sa kanyang anak at katwiran niya, mamamatay din lang siya ay makapagyosi muna. 

 

Takbo daw ang kanyang anak sa labas, sa tindahan, at nang bumalik ay luhaan na "Heto po mommy hu hu hu." Nang abutin daw niya ang yosi ay agad isinubo niya sa bibig niya at sinunod-sunod ang sagad na hitit. Hitit, hitit, hitit pa. At sa gayon ay bigla daw siya napasuka, sumuka ng suka na may halong halos isang baso ng plema. Yes, plema, dats right. 

 

Iyon lang at parang himala daw na nakarekober siya mula sa paghitit na yun ng sigarilyo kaya naisip niya na mali yung mga sinasabi ng iba, mali, na nakamamatay ang sigarilyo. Hindi! Bagkus nakabubuhay daw at heto nga at buhay na buhay pa siya at nakaligtas siya sa hayup na Covid na yan. Kaya pasalamat daw siya sa yosi talaga, sabay emote: 

 

"Tenkyu, my dear cig, tenkyu, you saved me and let me live again. This is my second life and hope to have this time my second lasting lablayp." 

 

Hayup yan.

 

Pastilan, bes.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.