Tumbas Manipis
Tumbas Manipis

Isang malaking ‘kung’ sa politika

Jul 28, 2021, 12:05 AM
John A. Bello

John A. Bello

Columnist

Nagsimula na kahit sa lalawigan ng Quezon, partikular sa Lucena city ang kampanya sa halalan kahit hindi pa nagsisimula ang election period at sa Oktubre pa ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga kakandidato sa eleksiyon na ang aktwal na botohan ay sa Mayo 2022.

Ito ay nang bumulaga ang ginawang Caravan ng grupo ng local transport group sa pangunguna nina Kagawad Rogelio ‘Tonton’ Chavez Jr. ng Bgy. Ibabang Dupay at pangulo ng National Land Transportation Council of the Phils. at Lito Cantos, pangulo ng Tricycle Operators and Drivers Association sa Quezon, na hinahamon nila at hinihikayat na lumabang bise president sa susunod na halalan ang nakaupong president Rodrigo Duterte upang anila ay maipagpatuloy nito ang mga programang pangkaunlaran na napasimulan ng kanyang administrasyon.

Ito’y naganap sa may parteng Bgy. Isabang ng Lucena city at isang mahabang hanay ng mga tricycle at jeep na may mga nakadikit na litrato ni Pangulong Duterte kasama si Sen. Bong Go ang pumarada sa kahabaan ng kalsada.

Ang litrato ay may mga nakasulat na People’s Movement for Continuity Caravan at ‘PRRD for Vice President 2022’.

Ito’y umani ng samo’t sari at maraming matitinding puna sa Facebook lalo na mula sa hanay ng mga anti-Duterte:

“Wag na uy, tama na pambobola nya sa tao”
“Sa 5 taon ba ni Duterte bilang Pangulo may kaunlaran ba siyang nagawa sa bansa?”
“Jusko, gustung-gusto talaga ng mga taong ito na naghihikahos.”
“Sus dumali na naman ng mga scripted na kaitutan, di na lang magpahinga yang matandang yan, puro mintis ang sinasabi pag ipinaalala sabihin joke lang yun. His presidency is a big joke, nakakawala na ng kumpiyansa yan.”
“This kind of a protracted political leadership of growing social discontent is somewhat prone to military intervention.”

Ito’y patunay lamang sa tumitinding diskontento at pagkadismaya sa malamang binabalak na pagtakbo ni Duterte sa pagka-bise presidente matapos ang kanyang 6 na taong termino bilang pangulo ng bansa sa 2022.

Ang senaryo na posible magtandem ang mag-amang Rodrigo at Sara Duterte sa 2022 elections ay lalong nagpapainit at nagpapaigting ng tension sa magiging takbo ng politika at halalan sa susunod na taon na ang bansa at ang buong mundo ay malamang lingkis pa rin ng Covid-19 pandemic.

Marami ang nagpapalagay, lalo na sa kampo ng mga taga-suporta, na posible Duterte pa rin ang mamayani sa susunod na halalan lalo at nakikitang mahina ang mga pambato sa kampo ng oposisyon.

Sa lumabas kamakailan na survey ng Pulse Asia, frontrunner si Davao city mayor Sara Duterte sa preference ng presidential candidates at pang-lima lang ang pambato ng 1Sambayan coalition group na si Vice Pres. Leni Robredo. Ang mga kasunod ni Sara ay sina Manila Mayor Isko Moreno, dating Sen. Bongbong Marcos, Sen. Grace Poe, Sen. Manny Pacquiao at ang panghuli na si Sen. Panfilo Lacson.

Sa pagka-bise presidente, ang pangulong Duterte ang lumabas na frontrunner, pangalawa si Moreno, Senate Pres. Vicente Sotto III, Marcos, Pacquiao, Taguig Cong. Alan Peter Cayetano, at Sorsogon Gov. Francis Escudero.

Umani rin ng puna at pagbatikos ang ginawang preferential survey na yan ng Pulse Asia na kesyo malinaw na ‘mind conditioning’ para ipalabas na walang ibang winnable na tandem kungdi ang mag-amang Duterte.

Lalo nang tinitingnan ito ng kampo ng oposisyon na lubhang kailangan silang magkaisa laban sa kampo ng administrasyon para magkaroon ng tsansang manalo sa susunod na halalan. Kailangan anya na isa lang ang kanilang maging standard bearers sa pangulo at pangalawang pangulo at isang linya lang ng tiket hanggang sa mga kandidatong senador upang matalo ang mga kandidato ng administrasyon.

Si dating 4th district Bokal Sonny Pulgar ay nagpahayag na kaylangan ng Liberal Party na ligawan si Pacquiao upang maging katandem ni Robredo. Sa kanyang ginawang memo kay Sen. Kiko Pangilinan, sinabi ni Pulgar na kaylangan magsanib ang LP at PDP-Laban at si Pacquiao ay lumabang vice president katandem ni Robredo na siyang standard bearer ng opposition at ito ang pinakamabisang paraan upang wakasan ang pamamayagpag ng administrasyong Duterte. Si Pangilinan at Pacquiao ay kapwa tumatayong pangulo ng LP at PDP-Laban na ngayon ay nasa magkabilang bakod – ang LP ay kabilang sa oposisyong 1Sambayan at ang PDP-Laban ay partido na ginamit ni Duterte upang mailunsad ang kanyang pagkandidato noong 2016. Si Duterte ngayon ang tumatayong chairman ng ruling party PDP-Laban na kasalukuyang niyayanig ng hidwaan ng pangulo at ni Pacquaio.

Kung tutuloy nga sa pagtandem ang mag-amang Duterte at kung maganap din ang pagtandem nina Robredo at Pacquiao sa labanang pampangulohan at pangalawang pangulohan ay isang napaka-kaabang-abang na pangyayari sa halalang May 2022.

Isang malaking ‘kung’ dahil ang politika - may mas hibo pa ba ng politika kaysa eleksiyon? – ay isang arena ng maigting, malawak at walang katapusang espekulasyon at sapantaha ng mga mamamayang bawat isa ay tumataya para sa kanyang sariling kapakanan at ng bansa.


More about Tumbas Manipis

Tumbas Manipis

2 M Covid-19 cases: Hello, September

a week ago

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2021 OpinYon News. All rights reserved.