Tumbas Manipis
Tumbas Manipis

Bukas na Liham kay Ka Pepe

Jun 30, 2021, 12:00 AM
John A. Bello

John A. Bello

Writer/Columnist

Bertdy mo pala noong, June 19, maligayang kaarawan sa iyo, Ka Pepe.

Hebigat at haba ng buong pangalan mo: José Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda.



Sa full name mo pa lang pag-iinitan ka na talaga ng Haring Espanya, pramis, kaya Ka Pepe na lang itawag ko sa iyo sa bukas na liham kong ito sa birtwal na mundo.



Ano'ng feeling kaya, Ka Pepe, kung saan man namumugad ang mga kaluluwa ng mga bayaning tulad mo ngayon?



Walastik, 160 years na pala ang nakararaan mula nang pinanganak ka sa iyong bayan ng Calamba, Laguna.



Kung ika'y nabubuhay pa ngayon, ewan kung anong iyong gagawin at di gagawin sa panahon namin ngayon na kinokobid ang paligid.



Imagine, ngayon sa iyong kaarawan, 1.3M+ na ang tinamaan ng Covid-19 sa ating Bayang Magiliw, Ka Pepe, at marahil doble o triple pa sa buong populasyon noon sa bayan ng Calamba ang bilang ng namatay ngayon sa pesteng salot na aabot na ng mahigit 23,500.



Anyways, syempre kung nabubuhay ka ngayon, basura lahat ng libro ng kasaysayan ng bansa.



Kasi, di ga binaril ka sa Bagumbayan ng mga guardia civil na mga español noong Dec. 30, 1896 (kaya nga ipinagdiriwang namin ang araw na yan, Rizal Day, pero bakit hindi itong araw ng iyong kapanganakan ngayon?) kaya ka ngani natanghal na pambansang bayani.



Kuruin mo, ikaw daw ay alam na ang abakada noong edad mo pa lang ay 3 taong gulang, at pagsapit ng 5 ay nakakabasa ka na at nakakasulat. Josko, nung ako'y ganyan ang edad pulos iyak at pakyut pa lang ang alam ko, Ka Pepe, pramis.



At nung edad mo ay 25, ikaw daw ay espesyalista na sa mata, at ginamot later on, ang diprensiya sa mata ng iyong ina. Galing mo talaga!



Pero, gusto ko dakuan ang iyong, ahem, mga chikababes, at balitang gasmati ka daw sa pambibihag ng alindog. Well, naryan yung pinakauna mo daw na jowang si Segunda Katigbak, dalwang Leonor (Valenzuela at Rivera), Nelli Boustead at Josephen Bracken. Teka, meron daw palang Seiko Usui na sa iyong panulat ay tinatawag mong O-Sei-San, isang Haponesa na ewan kung paano mo pinintuho at narahuyo sa iyo.



May iba, marami pa daw pero di na kita ibubuko tsaka pakealam ko naman basta ganyan yata talaga ang mga matulis na chikboy na siksik ng sexual at intellectual energy.



Grabe ginawa sa iyo ng mga Kastilaloy. Ipinatapon ka sa Dapitan, sa Mindanao dahil ikaw daw ay nang-uudyok ng himagsik. Nung naroon ka, ewan kung sino-sinong anak ni Eba naman ang binihag mo habang ikaw ay abala sa pagpapatayo dun ng eskwelahan, ospital, sistema ng patubig at nagturo at naging magsasaka pa.



Noong nasa Dapitan ka daw, ikaw ay nakasulat pa ng akda tungkol sa panggagamot at lunas sa kulam. At sabi mo pa, yang mga mangkukulam ay di laging matanda at panget. Asus, yung ilan yata sa kanila ay ginayuma mo na naman ng iyong gandang lalaki na may tindigang kahit 5'3" lang ang taas ay may suwabeng hawi ng buhok.



Mantakin mo naman, aabot daw ng 22 lengwahe ang iyong alam gaya ng Bisaya, Ilokano, Latin, Chinese, Spanish, Greek, English, French Malay, German at iba pang wikang werswers.



Alam na ng lahat ang iyong nasulat na Noli-Fili na di naging paborito ng mga nagma-mani-pedi sa tabi-tabi. Pero may pangatlong akda ka pala na di mo natapos na ang pamagat ay Maka-misa. Inumpisahan mo sa Tagalog, di kinaya ng iyong powers kaya ipinagpatuloy sa habla Español, di pa rin natapos, ewan.



At sa iyong panulat, lalo na sa pahayagang La Solidaridad, ay tinaglay mo ang mga mga pen name na Laong Laan at Dimasalang.



Di sa anupaman, ako’y pasulat-sulat din, Ka Pepe, at dito sa Lalawigan ng Cocolandia, ako'y nakikilala sa pen name kong Tumbas Manipis lalo na sa aking kolum sa mga diaryong lokal pero ang tunay at buo kong pangalan talaga ay – tsk, di bale na, wala namang katiting na binatbat sa iyo.



Noong Nob. hanggang Dis. 29 ay kinulong ka sa Fort Santiago at nung Dis. 30 ay senentenciahan ng kamatayan dahil umano sa iyong pagsuporta sa namumuong himagsikan laban sa rehimeng Espanya sa Filipinas na binabalak pabagsakin nina Ka Andy.



The rest, ika nga, Ka Pepe, is history.



Kung anuman, ang punto lang ng sulat kong ito sa iyo, Ka Pepe, ay ito'y isang maliit at pakoboy kong pagsipat lang naman kung ano ka, isang paggunita sa iyong makabuluhan at makasaysayang buhay na kaugnay ng kung anuman kami ngayon sa aming Bayang Magiliw sa panahon ng Tokhang at Covid-19.



Siya, Ka Pepe, paalam na, at nahaba na areng aking padahak. Hapi, hapi bertdy muli sa iyo.



Rest in Rizalian peace.



Lubos na sumasainyo,



Tumbas 'JB' Manipis



More about Tumbas Manipis

Tumbas Manipis

Political virus, and some aside

a week ago

Tumbas Manipis

Political virus

3 weeks ago

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2021 OpinYon News. All rights reserved.