Isinusulong ngayon ng Sangguniang Bayan ng Candelaria, Quezon ang isang komprehensibong programa para sa mental health ng mga mamamayan.
Kamakailan ay naghain si Konsehal Aileen Malabanan Dellosa ng isang panukalang batas na nagbigay-diin sa lumalalang kaso ng depression, stress, at anxiety sa mga mamamayan.
Sinuportahan ito ni Vice Mayor Ireneo Boongaling, na nagpahayag ng concern sa aniya'y malaking epekto ang dala ng makabagong teknolohiya at social media sa kalusugang pangkaisipan ng tao.
“Ngayon, kitang-kita natin ang pagbabago sa lipunan at kung paano nagdudulot ng stress o anxiety ang social media. Minsan, kahit maliit na problema, nagiging sanhi na ito ng seryosong emosyonal na krisis,” pahayag ni Boongaling.
Dagdag pa niya, may ilan pa umanong nauuwi sa droga o iba pang mapanganib na solusyon dahil sa kakulangan ng suporta.
Iginiit naman ni Dellosa ang kahalagahan ng pagpapatupad ng umiiral na ordinansa at ang pagkakaroon ng mas sistematikong mental health programs ay mahalaga para sa mamamayan.
Hiniling pa niya sa Committee on Health ng Sangguniang Bayan at mga sangay ng pamahalaan na magtulungan upang masiguro na ang bawat residente ng Candelaria ay may access sa mga suportang kailangan.
Plano rin ng konsehal na i-update ang programa sa darating na buwan, kabilang ang regular na monitoring, pagsasanay sa mga kawani, at mas malawak na kampanya sa mental health awareness.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MentalHealthProgram

