Mga babaeng hinete hahataw na sa Metro Turf
OpinYon Batangas

Mga babaeng hinete hahataw na sa Metro Turf

Jan 8, 2024, 2:06 AM
OpBats/IAm

OpBats/IAm

Writer

MALVAR, Batangas – Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi maglalaon ay matutunghayan na ang husay at galing magpatakbo ng kabayo ang mga babaeng hinete sa Metro Turf na matatagpuan sa bayang ito.

Ito ay matapos bigyang katuparan ng Philippine Racing Commission (Philracom) ang pangarap ng isang babaeng nais sumampa sa ibabaw ng kabayo sa larangan ng pakikipagkarera sa loob ng racing tracks.


Mula nang magsimula ang karera noong dekada ’70 sa bansa at mamayagpag ang tikas at galing ng mga kalalakihang hinete sa pagdadala ng kanilang mga mahuhusay na kabayo.


Mula noon ay dominado ng mga lalaki ang naturang larangan at walang nakikitang babaeng hinete kailanman.


Sa ibang pandaigdigang kompetisyon, ang mga pangalan nina Sara Ender (bilang trainer) at Joana Mason (female jockey) ay nagpapatuloy na sumisikat sa mga kompetisyon at itinuturing pang top jockey pagdating mga bigating stakes races.


Kaya naman hindi lamang ang mga banyagang babaeng hinete ang malalakas ang loob pagdating sa paglatigo ng mga kabayo sa karera kundi may mga Pinay na ring nangangarap at nagnanais na makasampa sa race track at maranasan na ang kumita ng daang libong piso na suweldo at iba pang umento na ipagkakaloob ng Philippine Racing Commission.


Dahil diyan, agaran ang panawagan ng Philracom sa mga kababaihang Pinay na ihanda na at kumpletuhin ang kanilang mga resume o biodata.


Kung interesado sa pagrenda ng kabayo ay bumisita na agad sa Philracom office sa 4th Floor Electra House Bldg., Esteban St., cor. V.A. Rufino St., Legaspi Village, Makati City at hanapin si Stella Marie Datayan sa 09278394628.


Ang matatanggap na aplikante ay sasailalim sa masusing training sa horse racing na aasistehan ng Philracom.


Ang Metro Turf ay siya na lamang nag-iisang race track sa ngayon sa buong bansa matapos na isara ang Sta. Ana Race Track (na Circuit shopping Mall na ngayon) at ang Carmona Race Track.


Ginagawa na ang isa pang bagong race track sa Padre Garcia, Batangas ngunit may katagalan pa ito bago mapagkarerahan wika ni Rondy Prado, race manager ng Metro Turf.

#OpinYonBatangas #MetroTurf #Philracom #OpinYon #WeTakeAStand


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.