MEGA SOLUSYON ANG KAILANGAN!
OpinYon Batangas

MEGA SOLUSYON ANG KAILANGAN!

Mega Sardines factory, inangalan sa amoy

Dec 27, 2023, 1:48 AM
OpBats/IAm

OpBats/IAm

Writer

STO TOMAS City – Kasalukuyang nasa gitna ng krisis ngayon ang Mega Prime Foods dahil sa umano’y nakakasulasok na amoy na sa pakiwari ng mga netizens ay nanggaling mismo sa factory ng sardinas nito.

“Amoy bundok sana ang Sto Tomas (City), Batangas dahil malapit ito sa bundok Makiling at hindi amoy dagat at malansang isda dahil malayo naman ito sa karagatan!” wika ng isang nag-post sa kanyang social media account sa Facebook.

Isa lamang ito sa mga post ng netizens at residente ng Barangay San Antonio at Barangay Santiago sa naturang lungsod na nagrereklamo dahil sa diumano’y masangsang na amoy ng dagat na nalalanghap nila paminsan-minsan sa umaga bagama’t ang Sto Tomas ay sobrang layo sa karagatan.

Ang distansiya patungo sa pinakamalapit na karagatan ay nasa Batangas City pa at ang layo nito mula Santo Tomas ay 40 kilometers habang ang distansiya nito sa daan gamit ang Star tollway ay 47.6 km.

Bakit nga naman biglang nagreklamo sa amoy dagat at malansang isda ang ilang residente mula sa nabanggit na mga barangay?

“Abot nga din po sa amin (Barangay Santiago) ang amoy dagat at isda,” wika pa rin ng isa pang netizen.

May isa namang hindi nakapagpigil at tinumbok na nga ang dahilan.

“Aywan ko ba kung bakit pinayagan nila sa gitna mismo ng lungsod (Sto Tomas) na magtayo ang isang factory ng sardinas!”

Iisa lamang ang planta o factory ng sardinas meron ang lungsod Sto Tomas.

Ito ay walang iba kundi ang Mega Prime Foods na siyang may gawa ng Mega Sardines at iba pang mga delatang produkto.

Ang naturang planta ay halos wala pang kalahating kilometro ang layo nito sa City Hall ng Sto Tomas City.

Ito ay matatagpuan sa Maharlika Highway katapat lamang ng East West Bank at ng opisina ng Bounty Fresh Chicken at nasa likod naman ng mga ito ang City Hall ng Sto Tomas.

Ang dahilan naman kung bakit umaabot diumano sa Barangay Santiago ang amoy ng isda ay iisang kadahilanan lamang.

Ang washout kasi ng kanal ng planta ay malamang na dumadaloy sa main canal ng lungsod patungo sa may ilog o creek sa tulay ng Santiago na siya namang lumalabas patungong Barangay Makiling sa Calamba, Laguna.

Pagsingaw naman nito sa ilog ay tiyak na malalanghap ng mga residente rito ang amoy.

Ayon pa mga residente na Avida AyalaLand community, kadalasan lumalabas ang amoy ng pinaghugasan ng isda ay sa bandang alas-6 ng umaga.

“Akala ko noong una ay loob ng kotse ko ang amoy isda,” sambit ng isang ginang na kadalasang lumuluwas ng village sa umaga upang bumili ng pandesal.
“Nitong huli, napansin ko sa group chat na marami na pala ang nagpopost sa Marketplace ng homeowners na may katulad na obserbasyon sa aming napapansin na amoy na madalas sa umaga tuwing bibil ng pandesal,” wika pa ng ginang.

Ayon naman sa iba pang residente, kakaiba ito anila sa minsan naman ay parang “amoy bulok na itlog” ang kanilang nalalanghap.

Naggagaling naman diumano ang amoy bulok na itlog mula sa pasingaw ng sulfur sa isang geothermal project Mt. Makiling sa may parte pa rin ng Bgy. San Antonio na malapit sa Bgy. Makiling ng Calamba.

Hiniling naman ng mga residente na sana anila ay aksyunan sana agad ng “Aksyon Bilis” na pamahalaan ni mayor Arth Jhun Marasigan bago pa lumala ang malansang amoy na sumisira sa “healthy and breezy morning air” sa mga komunidad ng lungsod Sto Tomas.

Ang naturang isyu na malamang na imbestigahan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ayon sa isang kawani ng City Hall na ayaw pabanggit ng pangalan.

“Kasama pa rin po ito sa tinatawag nating birth pains,” wika ni Ms. Babylyn Lacuenta, HR at Administration Manager ng Mega Prime Foods Inc. (MPFI). “bagolang po kasi ang planta.”
“Ngunit we are on it na implementing the necessary solutions,” dagdag pa ni Lacuenta ng makapanayam ng BATANGAS OPINYON nitong Miyerkules (20 Dec 2023).
“Katunayan, nag-fllushing na po kami sa lahat ng canal na maaaring daluyan po ng mga pinaghugsan (ng isda) at nakipagpulong na rin po kami sa CENRO ng City Hall at kay Mayor (AJAM) kahapon (Martes, 19 Dec 2023) kasama mismo ang may-ari ng MPFI,” paliwag pa ni Lacuenta.
“We have also required owners of delivery trucks na maglagay po sila ng mga pang-sahod ng tulo mula sa kanilang trucks habang naga-unload ng kanilang karga sa factory,” aniya pa.
“Pero sa tingin namin, ang problema po talaga ay nasa hangin na. To address this, we already hired a new company whose job is to safely eliminate the smell hanging in the air bago pa ito tangayin ng hangin sa labas.”

Sinabi rin ni Lacuenta na may temporary permit lamang aniya ang hawak ngayon ng MPFI kung kaya’t ibayong pag-iingat talaga ang kanilang nararapat gawin upang hindi magreklamo ang komunidad.

Sa kasalukuyan, aniya pa, hindi pa talaga full blast ang operation ng MPFI sa Sto Tomas ngunit mayroon na itong mahigit sa 600 na empleyado. Mangangailangan diumno ang MPFI ng karagdagang work force sa susunod na taon.

Ang P1-Billion MPFI plant ng Sto Tomas ay pinasinayaan nitong nakalipas lamang na Marso 2023 at mismong si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naging pangunahing panauhin kasama si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo E. Pascual, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Director for Region IV-A Mr. Sammy A. Malvas, and Department of Tourism (DOT) Regional Director for Region IV-A Ms. Marites T. Castro.

Dumalo rin sa pasinaya si Batangas Governor Hermilando Mandanas, Batangas 3rd District Rep. Theresa Collantes, Sto. Tomas Mayor Arth Jhun Marasigan, at Sto. Tomas Vice Mayor Catherine Jaurige-Perez.

#OpinYonBatangas #MegaPrimeFoods #MegaSardines #OpinYon #WeTakeAStand


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.