May-Ari Ng 2 SUV Na Sangkot Sa Malaking Drug Haul Tukoy Na
OpinYon Batangas

May-Ari Ng 2 SUV Na Sangkot Sa Malaking Drug Haul Tukoy Na

May 9, 2024, 5:11 AM
Opinyon Batangas News Team

Opinyon Batangas News Team

Writer

Natagpuan na ang dalawang sports utility vehicle na inabandona sa San Luis, Pampanga, ay hinihinalang konektado sa 1.4-toneladang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P9.68 bilyon, na nasabat sa Alitagtag, Batangas noong nakaraang linggo.

Ang puting Ford Explorer at itim na Toyota Land Cruiser ang natagpuan malapit sa sabungan at sa memorial park sa Barangay Sta. Lucia sa San Luis noong Linggo.


Ayon sa mga source, napansin ang mga sasakyan na lumalabas mula sa bahay na inuupahan ng Canadian national sa Alitagtag. Ang bahay ay naging subject ng search ng pulisya noong Biyernes nang nakaraang linggo.


Isinasagawa sa kasalukuyan ang manhunt para sa Canadian at sa kanyang kasama, na umano'y mga skipper ng dalawang pribadong yate na ginamit sa pag-transporta ng shabu.


Si Ajalon Michael Zarate, ang driver ng van kung saan natagpuan ang mga ilegal na droga, ay hinihinalang doon din nanatili sa bahay na iyon.


Sinabi pa ng mga imbestigador na ang plaka ng mga iniwang sasakyan ay sinira.


Tumanggi naman si Col. Jean Fajardo, ang opisyal na tagapagsalita ng Philippine National Police, na magbigay ng pahayag hinggil sa mga pangalan ng may-ari ng mga narekober na sasakyan dahil sa patuloy pa ang pagbuo ng kaso. Aniya tukoy na nila kung sino ang mga ito.


Ayon kay Fajardo, ang itim na Toyota Land Cruiser at puting Ford Explorer na narekober ng Highway Patrol Group (HPG) ng PNP sa Pampanga noong Abril 21 ay nakita sa mga footage ng closed-circuit television (CCTV) kasama ang van na nagdadala ng kontrabando na hinarang sa isang checkpoint sa bayan ng Alitagtag.


"Base sa imbestigasyon ng HPG-Calabarzon ay nag-match ang mga nakuhang dokumento sa loob ng sasakyan at base sa ating veripikasyon sa LTO (Land Transportation Office) ay lumalabas na itong Land Cruiser na itim ay pagmamay-ari, nakapangalan sa isa sa mga persons of interest natin," ani Fajardo sa isang press conference sa Camp Crame kamakailan.


"Ang maibabahagi ko sa inyo, ang nakapangalan at nakabili doon sa dokumento ng sasakyan ay ang parehong person of interest (POI) na nagrenta ng bahay sa Nasugbu, Batangas."


Sinabi niya na pareho rin ang sitwasyon sa Ford Explorer, dahil binili ito ng isa pang POI.


Gayunpaman, nilinaw ni Fajardo na walang mga traces ng ilegal na droga sa dalawang sasakyan ayon sa mga pagsusuri, habang ang isang micro-etching procedure ay patuloy na isinasagawa para sa posibleng pag-rekober ng DNA ng mga taong nag-iwan ng mga sasakyan.

Photo Credit: PNA

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonBatangas


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.