Lipa City District Hospital operation, inilipat mula probinsiya tungo sa siyudad
OpinYon Batangas

Lipa City District Hospital operation, inilipat mula probinsiya tungo sa siyudad

Nov 20, 2023, 1:43 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Opisyal nang nilagdaan noong Biyernes (10 Nov 2023) nina Batangas Governor Hermilando Mandanas at Lipa City Mayor Eric Africa ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa paglipat ng pamamahala at operasyon ng Lipa City District Hospital (LCDH), mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, papunta sa Pamahalaang Panlungsod ng Lipa.

Ayon sa Gobernador, ang kasunduang ito ay ang kauna-unahan sa kasaysayan hindi lamang sa Lalawigan ng Batangas, kundi sa buong Pilipinas.


Sa ilalim ng Principle of Subsidiarity, nabibigyang-diin ang devolution of basic services at local autonomy ng Local Government Units, tulad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kabilang dito ang mag-devolve ng mga responsibilidad para sa pagkakaloob ng mga pangunahing serbisyo at pasilidad na kinabibilangan ng mga serbisyong pangkalusugan ng Lipa City District Hospital (LCDH), na sisimulan nang pamunuan ng Pamahalaang Panlungsod ng Lipa pagsapit ng unang araw ng taong 2024.


Ang kasunduan ng pagsasalin ng pamamahala at operasyon ng LCDH mula sa pamahalaang panlalawigan ay bilang pagtugon at pagsuporta ng Batangas Governor sa debolusyon ng mga serbisyong pangkalusugan, gayun din sa inisyatibo at liham ng City Mayor ng Lipa na pamunuan at tanggapin ang responsibilidad sa paghawak at pamamahala sa naturang ospital.


Lubos naman ang naging pasasalamat ni Mayor Africa kay Governor Mandanas at sa buong pamunuan ng Kapitolyo sa napakalaki at pambihirang pagkakataon na mas mapaglingkuran ang mga kababayan, lalo’t higit sa usaping pangkalusugan, kasama ang tiwala at suportang inilaan nito sa alkalde at sa kabuuan ng pamahalaang panlungsod, na aniya ay bahagi ng kaniyang malawakang programang pangkalusugan para sa Lungsod ng Lipa.


Kabilang sa mga dumalo sa naturang paglagda sina 6th District Board Member (BM) Lydio Lopez, 6th District BM Aries Emmanuel Mendoza, 3rd District BM Fred Corona, 4th District BM Jess De Veyra, 2nd District BM Arlene Magboo, PCL President BM Melvin Vidal, Lipa City Vice Mayor Camille Lopez, Provincial Administrator Wilfredo Racelis, Chief of Staff Mrs. Maria Isabel Bejasa, Provincial Health Officer Dr. Rosvilinda Ozaeta, mga konsehal ng Lungsod ng Lipa, at mga miyembro ng Provincial Local Health Board. Naging saksi rin sa pagtitipon ang ilang mga opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan, pamahalaang panlungsod at Lipa City District Hospital.


Ornald Tabares, Jr/Photos:Karl Matthew Ambida. Batangas PIO Capitol

#OpinYonBatangas #Lipa #LipaCityDistrictHospital #HermilandoMandanas #EricAfrica #LCDH #Healthcare #OpinYon #WeTakeAStand



We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.