Lalaki sa Batangas City, 12 taon  nang naninirahan sa loob ng kuweba
OpinYon Batangas

Lalaki sa Batangas City, 12 taon nang naninirahan sa loob ng kuweba

Mar 21, 2024, 3:00 AM
Opinyon Batangas News Team

Opinyon Batangas News Team

Writer

BATANGAS City -- Isang lalaki ang matagal nang naninirahan sa isang kuweba sa loob ng mahigit isang dekada at doon na rin siya nagtatag ng kaniyang pamilya sa lungsod na ito.

Ayon sa ulat ng isang regional television, ang bahay ni Rufino Evangelista at kaniyang pamilya ay tila pangkaraniwan lamang sa gitna ng mga modernong gusali sa lungsod ngunit pagpasok mo pala sa loob ng bahay ay tsaka mo makikita ang kuweba.

Ang naturang kuweba ay may mahalagang papel sa kasaysayan noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pangdaigdig, ayon sa isang propesor ng kasaysayan.

Nagsimulang manirahan noong 2012

Noong 2012, nagpasiya si Evangelista na manirahan sa kuweba pagkatapos maghiwalay sa kaniyang mga anak, at dito na rin niya nabuo ang kaniyang bagong pamilya.

"Kami ay nanirahan dati sa taas, sa bahay ng aking ama. Mayroon akong kasama at ako ay nagtitinda-tinda," sabi ni Evangelista.

Sa paglipas ng panahon, unti-unti niyang nilagyan ng mga gamit ang kuweba. Ngunit maliit at mainit pa rin ang kalagayan sa loob.

Dahil sa kundisyon sa kanyang paa, hindi siya makapagtrabaho. Samantala, ang kaniyang asawa naman ay housekeeping staff sa isang paaralan sa lungsod.

"Hanggang sa nagkaroon kami ng anak dito, inayos ko na rin. Nilagyan ko ng manipis na semento at pininturahan," dagdag pa ni Evangelista.

Calumpang River

Kahit hindi tiyak ang haba ng kuweba, sinasabi na ito ay umaabot hanggang sa bahagi ng Ilog Calumpang ng Batangas City.

Ayon kay Abvic Ryan Maghirang, isang propesor ng kasaysayan, ginamit ang kuweba bilang tanggulan ng mga Hapon noong Digmaang Daigdig.

"Wala pang mga lansangan noon. Ito ang pangunahing daan mula sa Calumpang River papunta sa loob ng lungsod," paliwanag ni Maghirang.

Gayunpaman, ayon kay Engineer Dwight Arellano ng Batangas City Engineer's Office, hindi ito maaaring gawing opisyal na tirahan.

"Dapat ito ay livable. Ibig sabihin, may bintana, may pintuan, may kagamitan tulad ng tubig at kuryente. Hindi rin natin sigurado ang kalidad ng lupa o bato sa lugar na ito," ani Arellano.

Dahil dito, nananawagan si Evangelista para sa relokasyon upang mabigyan ng disenteng tahanan ang kaniyang pamilya.

"Dahil may pamilya ako, gusto kong mailipat sila dito. Kung mabigyan lang kami ng kahit maliit na bahay, masaya na ako," sabi ni Evangelista.

Gayunpaman, hanggang wala pang kasiguruhan sa kanilang hiling, mananatili pa rin sila sa "bahay na bato."

Relocation

Ilang araw matapos na lumabas ang balita tungkol sa “kuwebahay” sa gitna ng lungsod, ay gumawa ng habang ang local government unit ng Batangas City.

Ayon kay Hiyasmin Candava, hepe ng Batangas City social and welfare development offfice, mayroon nang natukoy ang LGU na lugar na paglilipatan sa pamilya ni Evangelista ngunit hindi muna nito sinabi kung saang lugar.

“Hindi pa po naming pwedeng sabihin ang lugar na paglilipatan ng LGU sa pamilya ni Evangelista sapagkat hindi pa namin tiyak kung magugustuhan nila ang bago nilang magiging tirahan o hindi,” wika ni Candava.
“Pero meron na po.”

Idinagdag pa ni Candava na hindi rin gaanong kalayuan ang paglilipatan ng pamilya ni Evangelista at tinitiyak niya na magugustuhan nila ito dahil aniya ito ay isang relocation site sa loob din ng lungsod na kumpleto ng suplay ng tubig, kuryente atbpa.

#WeTakeAStand #Opinyon


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.