2 patay sa banggaan sa dagat sa Batangas
OpinYon Batangas

2 patay sa banggaan sa dagat sa Batangas

Feb 5, 2024, 3:18 AM
OpBats/IAm

OpBats/IAm

Writer

Dalawang Pinoy na tripulante ang namatay habang dalawang Chinese naman ang sugatan nang magbanggaan ang isang pasaherong barko at isang water taxi sa tabi ng Verde Island sa Batangas City nitong tanghali ng Miyerkules (31 Jan 2024).

Ang dalawang namatay ay ang kapitan at ikatlong mate ng water taxi na Hop & Go 1, habang ang nasugatan naman ay mga Chinese na pasahero ng nasabing sasakyang pandagat.


Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang Ocean Jet 6, na may 105 pasahero at 19 crew, ay naglayag mula Batangas patungong Calapan (Oriental Mindoro) habang ang Hop & Go 1, na may apat na Filipino na tripulante at limang dayuhang pasahero, ay papunta naman sa Batangas mula Puerto Galera nang maganap ang aksidente bandang 12:30 ng tanghali.


Sinabi ni Captain Jerome Jeciel, commander ng Coast Guard Station Batangas, na dalawang miyembro ng tripulante ng bawat sasakyan ay nasa Coast Guard Sub-Station Puerto Galera, kung saan nagbigay sila ng kanilang salaysay upang matukoy ang dahilan ng banggaan.


Ang dalawang Chinese na pasahero ng water taxi ay iniulat na nasa maayos na kalagayan habang nagdesisyon ang pasaherong Swede na bumalik sa kanyang bansa. Ang mga pasahero at crew ng Ocean Jet 6 ay iniulat na ligtas.


Nahatak na ng mga responders ang Hop & Go 1 patungong Puerto Galera, kung saan matatagpuan ang kanilang yard.


Ang mga sugatang pasahero ngayon ay tumatanggap ng tulong medikal habang ang mga awtoridad ay nakikipag-ugnayan sa pamilya ng dalawang namatay.


Iniutos ni Admiral Ronnie Gil Gavan, Commandant ng Philippine Coast Guard (PCG), ang isang masusing imbestigasyon.



Caption: Nasa larawan ang isa sa mga biktima ng banggaan ng water taxi at pasaherong barko sa tabi ng Verde Island sa Batangas noong Miyerkules, Enero 31, 2024, habang dala-dala ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard. Dalawang Pinoy na tripulante ang binawian ng buhay sa naturang aksidente. Photo credits: Philippine Coast Guard

#OpinYonBatangas #Accident #Chinese #VerdeIsland #OpinYon #WeTakeAStand


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.