STO TOMAS City – Umabot sa mahigit isandaan lamang ang bilang ng mga naaresto ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) noong nakalipas ng linggo bago sumapit ang Pasko 2023.
Ayon kay BBPO Director Pcol Samson Belmonte eksaktong 113 ang naitala nilang bilang ng mga nasakote sa isang linggong operasyon mula Dec 17 magpahanggang Dec 23 ngayong taon sa buong probinsya.
Nanguna sa nabanggit na kabuuang bilang (113) ay ang mga naaresto sa illegal na pasugal gaya ng tupada at iba pa na umabot sa 54.
Sumunod dito ay ang bilang ng mga naarestong may taguring “most wanted persons” na umabot sa 29.
Medyo bumababa naman ang bilang ng mga nakulong na mga individual na may kasong may kinalaman sa illegal drugs, 25 lamang ang naitala at umabot lamang ang halaga ng mga nakumpiskang droga sa P147,000.
Ang Focus Crimes na tinatawag ay may lima (5) lamang ang naitalang naaresto.
Nakapaloob sa tinaguriang focus crimes ay ang mga kasong murder, homicide, physical injury, robbery, rape, theft, vehicle theft at motorcycle theft.
Sa pangkalahatan sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo noong Lunes (Dec 25) ang kabuuang bilang na naitala ng PNP sa buong bansa ng focus crimes ay umabot lamang 34 partikular na noong December 24, isang araw bago sumapit ang Christmas Day.
#OpinYonBatangas #BatangasPolice #MostWanted #OpinYon #WeTakeAStand