Natikman na ba ninyo ang ipinagmamalaking "kesong puti" ng Santa Cruz, Laguna? Ito ay isang uri ng keso na paboritong ipalaman sa pandesal sa nasabing bayan.
Ang kesong puti na gawa sa gatas ng kalabaw ay tanyag dahil sa kakaiba nitong kulay at lasa.
At para mas marami pa ang makatikim at masarapan sa kesong puti ng Santa Cruz, ipinasa kamakailan ng sangguniang bayan ng Santa Cruz ang isang resolusyong sumusuporta sa Santa Cruz Gastronomy and Slow Food Development Initiative ng nasabing bayan.
Layunin ng Resolution No. 261 Series of 2026 na inihain ni Konsehal Jericho Asinas na mapangalagaan, mai-promote, at mapaunlad ang mayamang food heritage ng Santa Cruz, partikular ang kilalang kesong puti.
Kabilang sa mga isusulong na programa ang pagpapanatili at pagpapalakas ng Kesong Puti Heritage; pagsusulong ng sustainable agriculture at biodiversity conservation; pagbuo ng gastronomy tourism at food trails; dokumentasyon ng lokal na tradisyong pangkulinariya; capacity-building para sa mga lokal na producers at entrepreneurs; at paglalatag ng mga hakbang tungo sa pagkakaroon ng Slow Food Presidium para sa Santa Cruz Kesong Puti.
Bukod sa pagpapayabong ng industriya ng kesong puti, nais ring itampok ng nasabing resolusyon ang mayamang kultura at kasaysayan ng Santa Cruz, na nagsilbing "melting pot" ng iba't ibang mga cultural aspects ng lalawigan ng Laguna dahil sa pagiging kabisera nito simula noong panahon ng pananakop ng mga Kastila.
"These initiatives are consistent with the Municipality's vision of promoting sustainable tourism, strengthening local agriculture, preserving cultural heritage, supporting local livelihoods, and enhancing Santa Cruz's position as a premiere gastronomy destination in Laguna and the Philippines," ayon sa naturang ordinansa.
#OpinYonLaguna #KesongPuti #StaCruzLaguna

