MARCHANISM MANIFESTO
MARCHANISM MANIFESTO

West Philippine Sea: Mga Tanong sa Gitna ng Alon at Batas

Feb 26, 2026, 2:16 AM
Rommel Mark Dominguez Marchan

Rommel Mark Dominguez Marchan

Columnist

Ano ba talaga ang pinag-uusapan sa sigalot tungkol sa ating dagat? Batas lang ba ito .... o kapangyarihan?

Kapag naririnig natin ang pangalan nina Senador Rodante Marcoleta at dating Mahistrado Antonio Carpio, tila teknikal at pang-abogado ang usapan. Ngunit kung sisimplehan: ang tanong ay ito .... gaano kalakas ang kontrol ng Pilipinas sa sariling karagatan?



Bakit nga ba ipinasa ang Republic Act No. 9522? Upang umayon tayo sa pandaigdigang kasunduan na United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS. Mabuti bang sumunod sa pandaigdigang tuntunin? Oo, dahil nagbibigay ito ng pagkilala at suporta mula sa ibang bansa. Ngunit may kapalit ba ang pagsunod? Kapag umayon ka sa patakaran ng marami, may bahagi bang kailangan mong bitawan?


Noon, ang pagtingin natin sa loob ng ating mga baseline ay tila parang bakod ng sariling bakuran. Kung may papasok, kailangan ng pahintulot. Ngayon, may mga sitwasyong pinapayagan ang “daan” ng dayuhang sasakyang-dagat basta’t sumusunod sa batas. Tanong: kung may pinapayagang dumaan, nabawasan ba ang ating kapangyarihan .... o bahagi lang ito ng pagiging kasapi sa pandaigdigang komunidad?



Isipin din natin ang Kalayaan at Scarborough. Mas mabuti bang ituring silang bahagi ng isang buo at saradong saklaw? O mas matibay bang sundin ang pamamaraang kinikilala ng internasyonal na batas kahit mas teknikal at hiwa-hiwalay ang pagtingin? Ano ang mas mahalaga .... ang simbolikong lakas o ang legal na tibay?



Sa Exclusive Economic Zone, may karapatan tayo sa yaman ng dagat. Ngunit hindi natin maaaring ipagbawal ang simpleng paglalayag ng iba. Kung may kontrol tayo sa likas-yaman ngunit hindi sa bawat galaw ng barko, sapat na ba iyon? O dapat bang mas mahigpit pa?



Bilang bansang arkipelago, ang dagat ay hindi lang tubig. Ito ang ating seguridad, kabuhayan, at pagkakakilanlan. Kaya dapat nating itanong: ang pag-ayon ba sa pandaigdigang batas ay nagpapalakas sa atin .... o unti-unting nagpapaluwag ng ating hawak?



May impluwensya ba ang malalaking bansa sa mga patakarang ito? Natural na may impluwensya ang makapangyarihan. Ngunit tanong muli: mas ligtas ba ang nag-iisa, o ang may kaalyado?



Sa huli, marahil hindi ito tanong kung tama o mali ang batas. Ang mas mahalagang tanong ay ito: paano natin gagamitin ang batas upang mapangalagaan ang ating interes? Sapagkat ang soberanya ay hindi lang nasusukat sa linya sa mapa, kundi sa tapang at kakayahan nating ipagtanggol ang ating karapatan.



Ang West Philippine Sea ay hindi lamang debate ng mga eksperto. Ito ay usapin ng bawat Pilipino. At marahil ang pinakamahalagang tanong: handa ba tayong unawain ito nang mas malalim bago tayo pumili ng panig?

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MarchanismManifesto


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.