Sabi nga sa nakakatawa pero nakakakilabot na meme: “Wag ka na mag-diet. Ang ekonomiya na natin ang bahala sa iyo.”
Totoo naman, ‘di ba? Sa taas ng presyo ng bilihin ngayon, parang napipilitan tayong magbawas—hindi lang ng pagkain, kundi pati ng klase ng kinakain natin. Yung dating bumibili ka pa ng paborito mong brand ng pagkain, ngayon mas pinipili mo na yung mas mura.
At hindi lang ito sa pagkain. Isama mo pa ang presyo ng gasolina at langis na parang palaging nagmahal.
Dahil sa giyera sa ibang bansa at iba pang dahilan, ramdam na ramdam natin ang bigat sa bulsa.
Pamasahe, gastos sa byahe, at presyo ng mga bilihin—lahat sunud-sunod na tumataas.
Ngayon, pati simpleng pamasahe, pinag-iisipan mo na. Yung dati, automatic na sumasakay ka ng tricycle o jeep, ngayon, mas madalas mo nang lakarin ang destinasyon mo—syempre, may kasamang payong para hindi mainitan o mabasa sa ulan. Parang nag-e-exercise ka na, nakatipid ka pa!
Nakakatawa isipin na dahil sa hirap ng buhay, nagiging “fit” tayo nang hindi sinasadya. Pero sa likod ng tawanan, may halong pangamba. Hanggang kailan kaya ito tatagal? Hanggang kailan natin kakayaning makipagsabayan sa taas ng presyo?
Dahil dito, pati mga bagay na hindi naman “need”—mga luho—nililimitahan na natin nang husto.
Halimbawa, ang pagkain sa labas: dati, puwedeng-puwede pang kumain sa karinderya, fast food, o mag-order ng delivery kapag tinatamad magluto o gusto lang magpalipas ng oras.
Ngayon, ang dating abot-kayang meal, parang ang mahal na agad. Dagdag mo pa ang delivery fee at service charge na parang laging tumataas.
Kaya imbes na kumain sa labas, mas pinipili na lang natin magluto sa bahay, o magbaon na lang.
Yung mga date, gala, o simpleng tambay sa kainan ay nagiging “special occasion” na lang dahil alam nating mahihirapan na naman ang bulsa pag-uwi.
Naging luxury na ang simpleng paglabas at pagkain kasama ang pamilya o kaibigan.
Kaya nakakatawa yung meme na nagsasabing, “Wag ka na mag-diet, ang ekonomiya na ang bahala sa iyo.”
Nakakatawa—pero totoo. Dahil sa mahal ng lahat, napipilitan tayong magbawas ng kain, magtipid sa tubig, kuryente, at kung anu-ano pa. Napipilitan tayong maging “fit” hindi dahil gusto natin, kundi dahil kailangan.
Pero sa likod ng mga biro at meme, seryoso ang realidad. Hanggang kailan nga ba natin kaya makipagsabayan?
Sana, habang pinapatawa tayo ng mga ganitong meme, magkaroon din ng tunay na solusyon.
Sana bumaba ang presyo, tumaas ang sahod, at maging sapat ang pera para hindi na kailangang pumili sa pagitan ng makakain o makakabyahe.
Dahil sa totoo lang, hindi diet ang gusto natin. Ang gusto lang natin ay mabuhay nang disente, makakain nang sapat, at maramdaman na may pag-asa pa ang ekonomiya natin.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

