Unang Gawad Kumintang Para sa Sining Awards 2024
Awards

Unang Gawad Kumintang Para sa Sining Awards 2024

Mar 15, 2024, 7:23 AM
Opinyon Batangas News Team

Opinyon Batangas News Team

Writer

Buhay na buhay ang mayaman at matingkad na sining at kultura ng Lalawigan ng Batangas dahil sa malikhaing imahinasyon, nag-uumapaw na talento, at hindi matatawarang kontribusyon ng mga Pilipinong Batangueño artists.

Ito ang nangibabaw na diwa sa kauna-unahang pagdaraos ng Gawad Kumintang para sa Sining Awards 2024 noong Martes, ika-27 ng Pebrero 2024, na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Panlalawigang Tanggapan ng Turismo at Ugnayang Pangkultura (PTCAO) at Sangguniang Pangkultura at Pangsining ng Batangas (BCAC), ang programa na ito ay naglalayong kilalanin ang mga nagpapamalas ng kahalagahan ng sining sa Batangas.

Ang seremonya ng pagkilala ay bahagi rin ng pagdiriwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pebrero bilang Pambansang Buwan ng mga Sining, alinsunod sa Proklamasyon bilang 693 na nilagdaan noong 1991.

Pinangunahan ni Provincial Administrator Wilfredo Racelis, bilang kinatawan ni Governor Hermilando Mandanas, ang pagkilala sa mga awardees.

Kasama rin sina Batangas Tourism and Cultural Affairs head Katrin Erika Buted at Tagapangulo ng BCAC, Atty. Sylvia Marasigan, at iba pang mga miyembro ng konseho.

Kabilang sa mga kinilalang Batangueño ngayong taon sina:

Arkitektura: Architect Joy Manalo ng San Pascual

Sayaw: Dr. Lordinio Vergara ng San Juan, Jose Alvin Remo ng Batangas City, at Likhang Sining Dance Company ng Batangas City

Literatura: Norma Mye Atienza ng Taal, Annaliza Santos ng Sta. Teresita, at Emmanuel Rigoberto Tolentino ng Batangas City

Sining Midya: Robert Marrel Dela Vega ng Nasugbu

Musika: Dr. Maria Theresa Vizconde Roldan ng Mataasnakahoy at Cresenciano Christopher Boy Ramos ng Sto. Tomas City

Teatro: Peregrine Santiago ng Batangas City, Mike Wendel Sangalang ng Lipa City, at Natasha Cabrera Cruz ng Nasugbu

Sining Biswal: Bernardo Maac ng Balayan, Carlos Castro ng San Juan, Josephine Adame ng San Pascual, Abelardo Bill Perez Jr. ng Batangas City, Florna Ada Panopio ng San Pascual, at Arkitektong Dhennis Sigua ng San Pascual


Binigyang-rekognisyon din ang mga lokal na pamahalaan sa probinsya, pati na ang mga sektoral heads ng BCAC, na tumutulong sa pagpapalaganap ng kultura at sining ng lalawigan.

Kasama sa programa ang pagtatanghal ng "Indio-Genius: 500 Taon ng Labanang Kultural," na mula sa direksyon ni Pablo Gabriel R. Malvar.

UNESCO World Heritage Sites


Tinalakay din ni Provincial Administrator Racelis ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang mapabilang sa listahan ng UNESCO World Heritage Sites ang Verde Island Passage at Taal Volcano Protected Landscape.


Dumalo sa Gawad Kumintang para sa Sining 2024 sina Lipa City Mayor Eric Africa, mga mag-aaral, mga empleyado ng Kapitolyo, at mga opisyal ng turismo, kultura, at sining mula sa mga lokal na pamahalaan sa Batangas. Ang pagdiriwang ng Arts Month ngayong taon ay may temang "Ani ng Sining, Bayang Malikhain."

#WeTakeAStand #OpinYon #GawadKumintangparasaSiningAwards2024


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.