The Equalizer, Ace Fernandez
The Equalizer

Tuyong Dahon

Jul 28, 2021, 12:00 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

MINSAN sa aking paglalakbay ay may isang dahong pumatak sa aking balikat na tumagal nang ilang saglit.

Napukaw ang aking atensiyon sa banayad na pagbagsak nito sa tuyot na lupang aking nilalakaran habang ito ay tila nilalaro ng hanging nagmula sa aking likuran.

Habang nasa ganun akong pagmumuni ay may ibong umawit na ang himig ay kundiman na kay sarap pakinggan ng isang kaluluwang naglalayag patungo sa kawalan.

Muling bumalik ang aking atensiyon sa dahong kanina lang ay sumasayaw sa tukso ng hanging amihan at napansin kong ito pala ay napitas sa isang punong buhay.

Ang mga sanga nito ay parang kumakaway sa isang dahon na kumawala sa pagkakahimlay upang muling sumibol ang panibagong buhay na pinitas ng isang salot na dumating sa sangkatauhan.

Nagpatuloy ako sa aking paglalakbay at habang lumalapit ako sa dawagan ay may isang tinig akong narinig na tila nagmumula sa hukay.

Ang palahaw niya ay makatindig-balahibo sapagkat ang kanyang sinisinta ay dinala ng salot sa kadiliman at kailaman ay di na nya ito mapagmamasdan.

Tinanong ko ang aking sarili kung tama ba na ako ay magpadala sa panglaw na nararamdaman sapagkat ako man ay di tiyak sa landas na aking tinatahak.

Sa dako pa roon ay muli akong nakarinig ng isang hikbi ng isang babae na hindi ko man nakikita ay dama kong umaagos ang kanyang mga luha sapagkat tuluyan nang humulagpos ang buhay ng kanyang anak na kanina lang ay may halakhak na maririnig habang nilalaro ang dahon na naglayag sa ihip ng hanging pilit na pinasasaya ang batang inilalayo sa sinapupunan ng kanyang inang siya ang tanging nagbigay ng pag- asa.
 
Sa huling hakbang ng aking paglalakbay ay napapunta ako sa tabi ng ilog na ang lagaslas ng tubig ay nagyayabang dahil kayang-kaya niyang itulak ang mabigat na pagsubok ng buhay.

Naisip ko tuloy na kung laging malakas ang daloy ng tubig sa ilog ng buhay ay marami ang sasabay sa agos nito sapagkat maaring dalhin ang mga nagpatianod sa agos ng ilog habang sa sanga - sangang daan ay tatagpo ang tuyong dahon na napagod na rin sa pagsasayaw sa mga hamon ng buhay.

Samantala, patuloy ang pananalasa ng salot na dumating sa sangkatauhan. Unti- unti nang dumarami ang buhay na napipitas sa kinapitang pag-asa na dinala ng mga banyagang ang tanging layunin ay kumita.

May iba pang nagsamantala na tila mauubusan ng grasyang dala ng salot na parang isang hunyango sapagkat nakakapagtago ito sa ibat- ibang kulay.

Malapit ko nang marating ang huling sanga ng daang aking nilakbay at dito ay muli kong nakita ang dahong kanina lang ay pumatak sa aking balikat at napagtanto ko na kasabay ko pala itong naglakbay patungo sa kaunting pag- asa na muntik nang mapunta sa kawalan.


More about The Equalizer

The Equalizer, Ace Fernandez

Tsinelas

a day ago

The Equalizer, Ace Fernandez

Tsinelas

a week ago

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2021 OpinYon News. All rights reserved.