The Equalizer, Ace Fernandez
The Equalizer

Tsinelas

Ika-2 bahagi

Sep 15, 2021, 12:24 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

SA MAYNILA, nagsimulang lakbayin ni Boyong ang kapalaran at sinimulan niyang mag-apply sa iba’t-ibang kumpanya. Sa dami ng kanyang inaplayan ay hindi siya natanggap dahil ang laging sinasabi sa kanya ay graduate ng high school ang kanilang kailangan. Pawisan dahil sa kalalakad, naisip niyang maupo pansumandali sa gutter ng kalsada sa ilalim ng punong akasya.

Habang nakaupo ay minasdan niya ang ilalim ng kanyang tsinelas at napansin nya na natatangos na ito at malapit nang mabutas. Napabuntong-hininga si Boyong. Duon niya napagtanto na hindi pala ganun kadaling makakuha ng trabaho sa Maynila. Naiisip niya na bumalik na lang sa kanilang lugar ngunit ayaw nyang umuwi na bigo siya sa kanyang pangarap.Makalipas ang ilang sandali, matapos makapagpahinga, humugot siya ng lakas at umusal ng dasal sa itaas at muli niyang sinimulan ang mga hakbang para sa kanyang pangarap suot ang kanyang tsinelas.


Taglay ang determinasyong mabago ang kuwento ng kanyang buhay at malagot ang tanikala ng kahirapan ay nagpatuloy si Boyong hanggang siya ay matanggap na messenger sa isang maliit na bangko sa Maynila. Masuwerte rin si Boyong dahil stay-in siya sa kanyang bangkong napasukan.Pinagbuti niya ang kanyang trabaho at ipinakita ni Boyong ang kanyang kasipagan at katapatan sa kanyang manager. Mabilis na lumipas ang panahon hanggang sa nagpaalam kina Boyong ang kanilang manager at doon sa America maninirahan. Nagdesisyon na rin si Boyong na umuwi muna sa kanila dahil sabik na rin siyang makita ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Na-realize din niya na isa’t -kalahating dekada na rin pala siyang nawala sa kanila at panahon na rin siguro na bumalik siya.Taglay ang naipon at suot ang bagong sapatos na mamahalin, repleksyon ito na may pagbabago na sa kanyang buhay. Bumili siya ng pasalubong at maraming tsinelas na ibibigay niya sa mga mahihirap na estudyante na tulad niya ay naka-tsinelas lamang kapag pumapasok. Habang naglalakbay sa daang Maharlika at sakay ng kanyang SUV ay minamasdan niyang mabuti ang daan pabalik sa kanyang pinagmulan. Ah, malaki na rin pala ang ipinagbago sa lugar na ito, patunay na sa paglipas ng panahon ay di lamang umuunlad ang tao maging ang lugar man ay kasabay sa pag- unlad ng mga ito, naisip ni Boyong.Makalipas ang ilang oras na biyahe ay narating na niya ang kanilang bayan. Dito ay namangha siya sapagkat makabagong mukha ng kaunlaran ang kanyang nakita. Binagtas niya ang dating makipot na daan at maputik kapag umuulan na ngayon ay isa nang sementadong daan at ang paligid ay may mga bagong establisyemento. Pagdating ni Boyong sa kanilang mismong lugar ay hinahanap niya ang kanilang dating bahay kubo na ngayon ay napalitan na ng isang kongkreto at magandang bahay.

Naisip ni Boyong na naibenta na pala ng kanyang mga magulang ang kanilang tinitirhan bagay na nauunawaan niya dahil maaring sa hirap ng buhay. Nalulungkot siya dahil naruruon ang alaala ng kanyang kamusmusan maging ang masasayang sandali na kasama nya ang kanyang mga kapatid at ang mahal niyang Nanay.

Hahakbang na siya palayo nang bigla na lang may tumawag sa kanya.

"Boyoooong!"

Kinilabutan siya sapagkat pamilyar ang boses na yon sa kanya. At hindi nga siya nagkamali dahil nang lumingon siya sa pinagmulan ng tinig ay nakita niya ang kanyang ina na masaya siyang kinakawayan. Mahigpit ang kanyang yakap ganun din ang kanyang ina at duon nya nadama ang pananabik ng kanyang Nanay sa matagal nang panahong napawalay siya.Ilang sandali pa ay nagtanong siya sa kanyang Nanay kung bakit ang dati nilang barungbarong ay napalitan na ng bago at modernong bahay. Masayang ikinuwento ng kanyang Nanay na limang taon na ang nakalipas at naka-jackpot sa jueteng ang kanyang Ama. At yon ginamit nila sa pagpapatayo ng bagong bahay at kasabay rin nito ang pagbubukas ng bagong negosyo. Bagaman at hindi makapaniwala ay tinanggap na rin ni Boyong ang katotohanan. Nasabi nya tuloy sa sarili ang matandang kasabihan na ‘habang may buhay ay may pag- asa.

’Kinabukasan, matapos mag-almusal kasabay ang buong pamilya ay inakit nya ang kanyang ilang kaibigan upang dalhin sa dati niyang paaralan ang humigit kumulang sa isang libong pares ng tsinelas upang ibigay sa mga batang mag-aaral na tulad niya nuon ay nagsimulang mangarap suot ang butas nilang tsinelas.



We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.