Tayabas, parang "windmill park" na lang?
OPINYON AT KATWIRAN

Tayabas, parang "windmill park" na lang?

Apr 30, 2026, 5:43 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Parang walang katapusan ang pagdagsa ng mga kumpanyang nais magtayo ng windmill projects sa Tayabas City.

Matapos ang ilang naunang proyekto na pinagdedebatihan, heto at may bago na namang sumusulpot—ang SE Renewable Energy Inc. na naghahangad na itayo ang Lucban Wind Power Project dito sa ating nasasakupan.


Sa isang liham na ipinadala noong Marso 30, humihingi sila ng agarang suporta at endorso mula sa Sangguniang Panglungsod.

Ipinagmamalaki nila na hawak na nila ang Certificate of Authority mula sa Department of Energy (DOE) at mayroon na ring pahintulot mula sa ilang barangay.

Binibigyang-diin pa nila na urgent na mapirmahan agad ang dokumento bago pa dumating ang tag-ulan upang masimulan na ang mga inspeksyon, pagpapalawak ng kalsada, at iba pang paghahanda.


Sabi nila, magdadala ito ng trabaho, maayos na imprastraktura, at malinis na enerhiya na makakatulong sa ekonomiya at kalikasan. Mga salitang paulit-ulit na nating naririnig mula sa iba’t ibang kumpanya na dumaan dito.


Pero tanungin natin ang ating mga sarili: Sapat na ba ang mga pangakong ito?


Hindi na bago sa atin ang ganitong senaryo. Paulit-ulit na lang na may mga bagong proyekto na inihahain, na may kasamang magagandang salita at pangako ng pag-unlad. Pero sa kabila nito, nananatili ang mga katanungan at pangamba ng ating mga kababayan.


Paano naman ang mga lupain na sasakupin?

Ilan na namang magsasaka at residente ang maaaring maapektuhan, mawalan ng kabuhayan, o mapilitang lumipat dahil sa right-of-way at pagtatayo ng mga transmission lines?


Paano ang kalikasan? Ang proseso ng pagpapatayo ay nangangailangan ng pagbabago sa anyo ng lupa, pagputol ng puno, at paggiba ng mga bahagi ng kabundukan.


Ang ingay ng mga turbine, ang epekto sa daluyan ng tubig, at ang pagkasira ng natural na ganda ng ating kapaligiran—mga bagay na hindi dapat ipagsawalang-bahala.

At higit sa lahat, sino ba talaga ang tunay na makikinabang? Ang mga kumpanya ba na darating, kukuha ng yaman, at pwedeng umalis anumang oras?


O tayo, ang mga taga-Tayabas na mananatili dito at magdadala ng epekto ng proyektong ito habambuhay?


Hindi masama ang pag-unlad at hindi rin masama ang paggamit ng renewable energy. Pero hindi dapat maging parang "fast food" ang pagtanggap ng mga proyekto—mabilis, padalos-dalos, at walang masusing pagsusuri.


Huwag tayong magpadala sa pagmamadali. Suriing mabuti ang bawat detalye, timbangin ang benepisyo at sakripisyo, at higit sa lahat, pakinggan ang boses ng taumbayan.Dahil sa huli, ang lupain ng Tayabas ay hindi pag-aari ng anumang kumpanya. Ito ay pamana natin sa ating mga anak at apo, at responsibilidad nating pangalagaan ito.


#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.