Taal Lake Development Authority muling isinusulong
iTalk

Taal Lake Development Authority muling isinusulong

Mar 20, 2024, 12:32 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Kung ang Laguna Lake nga naman ay may sarili itong Laguna Lake Development Authority, bakit nga naman ang Taal Lake sa Batangas ay hindi magkaroon ng sarili nitong ahensiyang kawangis na siyang mangangasiwa, magpopoprotekta, magprepreserba at kung anu-ano pang mga alituntunin.

Ang Taal lake ay kilala dati bilang Bombón Lake, isang freshwater caldera lake na nabuo sa pamamagitan ng napakalaking pag-aalburuto mula 500,000 hanggang 100,000 taon na ang nakararaan ayon sa kasaysayan.

Ito ang ikatlong pinakamalaking lawa sa bansa, pagkatapos ng Laguna de Bay at Lake Lanao.

Matatagpuan sa gitna ng lawa ang Volcano Island, kung saan matatagpuan ang mga nakaraang pag-aalburuto ng Taal Volcano at responsable sa sulfuric na nilalaman ng lawa.

Bago ang pagsabog ng Taal Volcano noong 2020, mayroong isang crater lake sa Volcano Island. Kilala ito bilang Yellow Lake at Main Crater Lake at naglalaman ng sariling maliit na isla, ang Vulcan Point. Kinikilala ang Vulcan Point na isa sa mga ilang third-order islands sa buong mundo.

Protected area at pamamahala

Ang Taal Lake basin ay unang idineklara bilang isang pambansang parke sa pamamagitan ng Proclamation No. 235 noong Hulyo 22, 1967, na sumasaklaw sa 62,292 ektarya (153,930 ektarya).

Sa ilalim ng Republic Act No. 7586, o ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act ng 1992, muling itinatag ang lugar bilang Taal Volcano Protected Landscape sa pamamagitan ng Proclamation No. 906 noong Oktubre 16, 1996.

Pinamamahalaan ang protektadong lugar ng isang Protected Area Management Board (PAMB) at mayroong Chief Operating Officer na tinatawag na Protected Area Superintendent. Isang Management Plan ang ginawa at inaprubahan ng PAMB noong 2009 at ngayon ay naglilingkod bilang gabay sa pangangalaga ng lawa.

Isinusulong diumano uli ngayon ni District 3 Rep. Maitet Collantes ang isang panukalang batas na magbibigay para sa maayos at mapanatiliang pag-unlad ng lugar ng Lawa ng Taal at ang mga kasulukuyang daluyan nito sa pamamagitan ng paglikha ng Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Lawa ng Taal (TLDA).

Orihinal itong isinulong sa pamamagitan ng House Bill 7150 na sinulat ni Rep. Victoria H. Reyes upang lumilikha ng Taal Lake Development Authority (TLDA).

Layon nitong protektahhan at pangalagaan ang mga ekolohikal, biyolohikal, siyentipiko, edukasyonal, at rekreaksiyunal na mga katangian ng lugar.

Kagay ng sinabi ni Reyes noon na may pangangailangan upang maiwasan ang hindi nararapat na mga pagbabago sa ekolohiya, pagkalanta, at polusyon ng lugar.

Ang panukalang batas ay magtatatag ng isang pambansang entidad na mamamahala, magbibigay pansin, magtatanggol, at magpapaunlad sa lugar ng Lawa ng Taal partikular ang Isla ng Bulkang Taal sa mga bagay na may kinalaman sa pangangalaga sa kapaligiran, pag-aalis ng kahirapan, lokal na awtonomiya, eco-turismo, at mapanatiliang paglago.

Sinabi ni Reyes na mayroon ang Lawa ng Taal ng kakaibang kapaligiran at ekosistema, isang hindi mapapantayang kombinasyon ng lupa, dagat, at kalangitan na tunay na abot-kamay para sa lahat.

Layun din ng TLDA na maglunsad ng mga hakbang upang pangalagaan ang mga likas na yaman at itaguyod ang mabilis na sosyo-ekonomikong pag-unlad ng lugar.

Dapat din nitong balangkasin ang mga plano, programa, at proyekto at ipatupad ang mga ito.

Sakaling matupad ito, ang TLDA ay magtatakda rin ng mga hakbang upang mapanatili ang likas na ganda ng kapaligiran, ang pagpapaunlad ng lugar bilang isang eco-tourism zone, at ang implementasyon ng mga programa at proyekto na maglilikha ng lokal na ekonomiya at pag-unlad ng kabuhayan para sa mga mamamayan.

Kabilang pa rin sa panukala ang pagtayo ng Taal Lake Development Council na binubuo ng chairman ng TLDA, at mga kinatawan ng mga sumusunod bilang mga miyembro: mga alkalde ng mga lungsod/munisipalidad na may mga lawa bilang bahagi ng kanilang teritoryal na hurisdiksyon at iba pang stakeholders.

Nitong Martes (12 March 2024) ay nagdaos na ng Zoom Meeting ang mga representante ng mga LGU na konektado sa panukalang TLDA.

Sa puna't suhestiyo, sumulat lamang sa ismaelamigo@yahoo.com .

--

#WeTakeAStand #OpinYon #IsmaelAmigoColumn #iTalk


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.