iTalk by Ismael Amigo
iTalk

Suko na si Ka Ernie

Feb 3, 2022, 12:29 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

MEDYO may katagalan na mula ng ating huling makasama at makapanayam ang presidente (na suko na aniya) ng farmers association ng buong lalawigan ng Batangas sa katauhan ni Ginoong Ernesto Mansit.

Hayagan niyang inaamin sa inyo pong lingkod na siya’y dating may koneksyon sa Maria Lorena Barros Brigade ng isang tinaguriang “Sparrow Unit” o “hit squad” ng ating mga kapatid na “walang permanenteng tahanan.” (paki-translate na sa salitang English at alam na this ang ating tinutukoy.)

“Opo okay lang po na maisulat nyo yan. Matagal na rin po ito at lansag na din ang MLBB,” ‘ika pa ni Ka Ernie sa ating pagsisigurong tanong. “Isa pa nadismiss na rin ang kasong inatang sa aking tungkol sa aking involvment.”

Siya aniya ay naging aktibo sa kilusan mula noong 1996 magpahanggang 2011.

Kalakip na aniya pa ang naisampa sa kanyang kaso ng rebellion matapos siyang taniman ng isang baril na nakuha matapos na i-raid ang kanilang tahanan sa Bgy. San Pablo ng lungsod Sto. Tomas.

Bago pa aniya sumapit ang 2011 partikular na ng taong 1999 nagtayo siya kasama na ang iba pang magsasaka ng Sto Tomas ng Farmers Federation kaanib ang lahat ng farmers mula sa 30 na barangay ng STC.

Ang sinasaka niyang lupain ay may sukat lamang aniya na 2.5 hectares na maisan at mga bansot o dwarf na mga niyugan.

Mula sa maliit na pederasyon, lumawak pa ang kanilang organisasyon ng mga magsasaka matapos pagsanibin nila ang mga ito sa buong probinsya ng Batangas.

At dahil aniya walang gustong tumayong pinuno mula sa kanilang hanay ay inako niya ang responsibilidad bilang provincial president.

Dito niya naging katunggali si Gov. Hermilando Mandanas dahil aniya walang pakinabang ang mga magsasaka.

“Buti pa noong panahon ni Congw. Vilma Santos mayroon kaming napapakinabangang tulong mula sa Kapitolyo,” wika ni Ka Ernie.
“Kahit paano may natatanggap ang mga magsasaka na regular na allowance at mga ayudang pang-sakahan kay dating Gov. Vilma Santos.”

Ayon pa kay ka Ernie, dito rin niya nakita ang aniya ay tiwaling pamamalakad o hindi magandang dispensasyon ng mga programang dapat sana ay makakatulong sa mga magsasaka.

“Problema sa corruption. Sa ganang akin, maraming magagandang proyekto ang Department of Agriculture ngunit pagdating sa implementasyon sa ibaba doon nalulusaw,” wika ni Ka Ernie.
“20% ng budget sa mga programa ay nauuwi sa overhead expenses. Kapiranggot na lamang ang natitira pagdating sa dapat na paglalagyan o makakatanggap.”

May kahirapan lamang bigkasin ang kanilang provincial farmers association.

Narito: Pambansang Mannalon-Maguuma-Magbabaul-Magsasaka ng Pilipinas (P4MP).

Libo ang membership ng P4MP at dahil dito madalas naiimbitahan si Ka Ernie ng mga mambabatas at hingian ng tulong lalo na kung malapit na ang halalang nasyunal.

Ngunit ngayon parang napagod na umano siya o dahil na rin siguro sa kanyang edad.

“Nagpatawag na ako ng meeting, at baka magkaroon na kami ng elekson. Ayoko na, iba naman ang magpalakad.”

Ang pagtatanim, ayon pa kay Ka Ernie, ay naging libangan na lang para sa kanya.

Sapat na para sa kanya ang mayroon siyang makalap ng pambayad ng buwis kada taon.

Hanggang sa muli nating pagkikita Ka Ernie. Sana barakong kape naman.

Email ismaelamigo@yahoo.com .


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.