Kumain ako noon sa isang bagong bukas na carenderia sa New Era Access Road, ilang metro lang ang layo mula sa North 5 Townhouses. Karaniwan ang lugar.....walang dekorasyon, walang pakitang-gilas. Kanin, ulam, sabaw. Eksaktong tulad ng estado ng pulitika sa Pilipinas: payak sa pangako, pero madalas saoat lang o kulang sa sustansya.
Habang umiinom ako ng pantulak, napansin ko ang isang mestizang babae sa harapan ko. May kung anong humila sa aking pansin....hindi dahil sa ganda lang, kundi dahil sa presensya. Parang matagal ko na siyang kilala. O baka matagal ko na siyang hinihintay. Ang malinaw lang: hindi siya estranghero sa pakiramdam ko.
Ang pangalan niya ay Aurora.
Hindi siya maingay. Hindi siya palabigkas ng pangako. Tahimik pero matatag.....may aura ng isang alpha woman, yung tipong lider na hindi kailangang magpaskil ng mukha sa bawat pader para makilala. Sa tindig pa lang niya, ramdam mong hindi siya nabubuhay sa paimbabaw. Ang mga mata niya may lalim.....hindi sanay umiwas kapag tinanong tungkol sa katotohanan. Sa kilos niya, may disiplina. Sa presensya niya, may paninindigan.
Nang ilapag niya ang kanyang pagkain, biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ito romansa. Ito ang bihirang pakiramdam ng isang mamamayang matagal nang niloloko....ang makakita ng posibilidad na hindi ka na muling lolokohin.
Nag-usap kami. Simple lang: buhay, prinsipyo, pinanggalingan. Walang paligoy-ligoy. Walang “pag-aaralan pa.” Walang “depende sa sitwasyon.” Dito ko napagtanto kung bakit tila pamilyar siya.....siya ang anyo ng pulitikang matagal nang nawawala sa bansa.
Si Aurora ay hindi galing sa dinastiya. Hindi siya produkto ng trapo. Hindi siya pinalaki ng sistema ng kickback, SOP, at “utang na loob.” Siya ang lider na hindi natutong magnakaw dahil hindi niya kailanman inisip na kanya ang kaban ng bayan.
Sa Pilipinas, ang korapsyon ay hindi na aksidente.....ito ay kultura. Isang sakit na matagal nang pinagtatakpan ng retorika, ng sayaw sa kampanya, at ng pekeng malasakit. Sanay na tayong pumili ng mga mukhang pamilyar pero patuloy tayong ginugutom....hindi lang sa pagkain, kundi sa hustisya, serbisyo, at dignidad.
At doon, sa gitna ng carenderia, malinaw ang simbolo:
Kung kaya ni Aurora kumain kasama ang karaniwang mamamayan, kaya rin niyang maglingkod nang hindi nagnanakaw.
Kung kaya niyang makipag-usap nang walang script, kaya rin niyang mamuno nang walang kasinungalingan.
Ang laban kontra korapsyon ay hindi nagsisimula sa entablado. Nagsisimula ito sa karakter. Sa pagpiling huwag kumuha ng hindi iyo. Sa tapang na managot. Sa kakayahang manatiling tao kahit may kapangyarihan.
Sana, sa susunod kong pagkain sa carenderia....sa susunod na halalan....makita ko ulit si Aurora.
Hindi bilang alegorya, kundi bilang realidad.
Hindi bilang pangarap, kundi bilang desisyon ng bayan.
At sa araw na iyon, baka sa wakas, mabusog na ang Pilipinas.....hindi sa pangako, kundi sa tapat na pamumuno.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews
