I used to wonder (and still do) how the heck Filipinos in the 1980s managed to mass together, set aside their differences and rally together against the dictator. Given the challenges of the period, I am pretty sure that the will of those who aspired of a better tomorrow is much, much greater.
For the young generation who will read this, picture the scenario: wala pang social media. Wala pang smartphones. Wala pang Internet. Ni hindi pa nga maayos ang sistema ng telepono. Snail mail ang pangunahing paraan ng komunikasyon, kung hindi man tsismisan sa kapitbahay. Censored ang media, at kung nais mong makakuha ng alternatibong babasahin, patago itong ibinabahagi na parang kontrabando.
Pero ang nakakamangha para sa akin ay nagawa ng halos lahat ng sektor – mahirap, mayaman, maka-kaliwa man o kanan – na magsama-sama sa kalsada at sumigaw nang iisang tinig, “Tama na, sobra na, palitan na!”
At nais ko ring ipunto na hindi lang naman sa EDSA naganap ang Himagsikan ng 1986; iba’t ibang pagkilos rin ang naitala sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan upang tutulan ang patuloy na pamamayagpag ng diktadurya.
--o0o--
Tingnan natin ang sitwasyon ngayon. Free speech, freedom of the press, information on our fingertips dahil sa Internet at social media – pero bakit hindi natin magawang magkaisa upang muling sumigaw laban sa patuloy na pagpapahirap at pang-aabuso sa atin ng naghaharing uri?
Sa halip, puro siraan at pa-high moral ground pa ang ginagawa ng iba’t ibang sektor. Na sila lamang ang may karapatan na tumindig laban sa korapsyon. Na dahil sa ideolohiya nila ay hindi nila kayang makipagsanib-pwersa. Na kapag sumanib kami sa kanila ay baka masira ang aming mga prinsipyo.
--o0o--
Setting aside EDSA, isang magandang halimbawa ang nangyari sa bansang Chile sa kung papaanong dapat manaig ang kumpromiso at pagsasantabi ng mga ideolohikal na pagkakaiba upang maibalik ang demokrasya at kalayaan.
Taong 1988, dalawang taon matapos ang EDSA, noong nagdaos ang military junta na pinangungunahan ni General Augusto Pinochet ng isang plebisito. Simpleng "oo" o "hindi" lamang ang isasagot ng mga botante. Kung "oo" ang mananaig, mananatili sa poder si Pinochet, pero bilang pangulo, sa susunod na walong taon. Kung "hindi" ang mananaig, kinakailangang magdaos ang junta ng pampanguluhang eleksyon na hindi kasama si Pinochet sa loob ng isang taon.
Nagpasya ang maraming mga center at leftist na mga partido sa Chile na magkaisa upang kalabanin ang patuloy na paglagi sa poder ni Pinochet. Pero hindi rin nila ipinagkait sa kanilang koalisyon na tinawag na "Concertacion" ang mga maka-kanang pwersa na hindi na rin kuntento sa pamumuno ng diktaduryang militar.
Kasama sa mga advertising campaigns na ibinida ng "No" coalition ang mga right-wing leader na tutol na rin sa rehimen ni Pinochet at nagnanais na rin ng tunay na demokrasya kung saan lahat ay may boses sa lipunan, anuman ang kanilang ideolohiya.
Ang malawak na pagtanggap ng "Concertacion" sa iba't ibang mga grupo na salungat kay Pinochet ang isa sa mga itinuturing na salik ng maraming mga eksperto sa pagkatalo ni Pinochet sa plebisito ng Oktubre 5, 1988.
Tinangka pa ni Pinochet na magsagawa ng kudeta upang manatili sa pwesto, ngunit sa panahong iyon ay hindi na rin sang-ayon sa kanya ang halos lahat ng miyembro ng kanyang military junta at hayagan silang sumalungat sa kanyang pagtatangkang manatili sa poder.
Pansinin ninyo: malinaw na isinantabi muna ng mga kasapi ng Concertacion ang kanilang mga ideolohikal na paniniwala. Na-recognize nila na hindi ito makatutulong sa paggapi sa diktadurya, bagkus ang pagkakawatak-watak nila ay isang daan upang manatili ang pwersa ng mga naghaharing-uri.
Ang kanilang naging taktika: focus muna tayo sa isang layunin, ang patalsikin si Pinochet. Saka na muna natin pagtalunan ang mga diperensya sa ating mga paniniwala, kapag naibalik na natin ang mga kalayaan na inagaw sa atin ng military junta.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews