Sana Soccer ang Ating Pangarap
MARCHANISM MANIFESTO

Sana Soccer ang Ating Pangarap

Jul 16, 2026, 1:17 AM
Rommel Mark Dominguez Marchan

Rommel Mark Dominguez Marchan

Columnist

Kapag dumarating ang FIFA World Cup, tila buong mundo ay humihinto upang panoorin ang pinakamalaking torneo sa football o soccer. Mula sa mga batang naglalaro sa kalye hanggang sa mga matatandang nakatutok sa telebisyon, iisa ang sigaw....suporta sa kanilang paboritong bansa. Nakalulungkot lamang isipin na sa kabila ng matinding hilig ng maraming Pilipino sa sports, wala pa ring pagkakataon ang ating pambansang koponan na makapasok sa World Cup.

Sa ating bansa, mas kilala ang basketball bilang paboritong laro. Halos bawat barangay ay may basketball court, at maraming kabataan ang nangangarap maging susunod na bituin ng hardcourt. Walang masama rito, ngunit kung susuriin ang pandaigdigang larawan, mas malawak ang oportunidad sa football. Ito ang pinakasikat na isport sa buong mundo at nilalaro ng halos lahat ng bansa.


Marahil panahon na upang bigyan natin ng mas malaking pansin ang football. Hindi kailangang talikuran ang basketball, ngunit dapat ding magkaroon ng sapat na suporta ang soccer. Kailangan ng mas maraming football field, mas maraming grassroots program para sa kabataan, at mas maraming lokal na torneo upang mahubog ang talento ng mga batang Pilipino.


Kapansin-pansin na tuwing World Cup ay napakaingay ng mga Pilipinong tagahanga. Puno ang mga social media post ng suporta sa Brazil, Argentina, England, Portugal, Spain, at iba pang football powerhouse. Nakikisaya tayo sa bawat goal, bawat panalo, at bawat dramang hatid ng torneo. Ngunit sa likod ng kasiyahang ito ay may tanong na bumabagabag: Kailan kaya natin maisisigaw ang "Pilipinas" sa mismong World Cup?


Hindi imposible ang pangarap na ito. Maraming bansang dating hindi kilala sa football ang unti-unting umangat dahil sa maayos na programa, disiplina, at pangmatagalang pamumuhunan sa kanilang mga atleta. Kung nagawa nila, bakit hindi rin natin magawa?


Ang tagumpay sa football ay hindi nabubuo sa loob lamang ng ilang taon. Ito ay bunga ng matiyagang pagsasanay, suporta ng pamahalaan at pribadong sektor, at pagmamahal ng buong sambayanan sa isport. Kapag nagsimula tayong magtanim ngayon, maaaring ang susunod na henerasyon ang umani ng tagumpay.


Masarap maging tagahanga ng ibang bansa, ngunit higit na mas masarap kung darating ang araw na ang ating sariling watawat ang iwinawagayway sa entablado ng World Cup. Sana balang araw, hindi na lamang tayo maingay sa panonood. Sana tayo naman ang may koponang ipinaglalaban ng buong sambayanan. At kapag dumating ang araw na iyon, tiyak na mas magiging makabuluhan ang bawat sigaw ng "Laban, Pilipinas!"

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.