iTalk by Ismael Amigo
iTalk

‘Sana all’

Jan 27, 2022, 12:42 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

‘Yan ang nababanggit sa tuwina ng mga nakakabasa sa post ng Lipa City na nagsasabing mamimigay ang pamahalaang lungsod ng libreng anti-Covid drugs pati na antigen tests.

Maliban nga naman sa libreng antigen test at ng mamahaling gamot na Remdesivir sa mga Lipenong may karamdaman sa coronavirus, isa pang klase ng gamot kontra Covid ang nakatakdang ipamahagi ng pamahalaang lungsod na ito.

Ito ay ang Molnupiravir para sa mga Lipenong may karamdaman sa Covid na nagkakahalaga ng P150 hanggang P200 ang isa.

Mas mahal ang vial ng Remdesivir na nabibili mula P3,500 hanggang P22,000 sa mga private hospitals at ito’y itinuturing ng U.S. Food and Drug Administration (FDA) bilang “first-in-class medication.”

Mas mura man pero ang Molnupiravir ay isang antiviral medication na pinoproteksyunan ang pagdami ng RNA viruses. Ginagamit itong panlunas sa COVID-19 at yaong may SARS-CoV-2.

May Compassionate Special Permit lamang na ibinigay ang FDA sa paggamit ng Molnupiravir kung kaya’t nararapat sundin diumano ang ilang guidelines na galing sa Department of Health upang gamitin ito.

Ayon sa tanggapan ni Africa, may nakaimbak na 20,000 capsules ang lungsod para sa symptomatic moderate cases.

“Sana all” nga naman di ba lalo na sa iba pang lungsod na marami ang mga kaso ng Covid.

***

Libreng gamutan abot kamay na sa Batangas

Sang-ayon sa layunin ng Universal Health Care Law, umusad na sa lalawigan ang pagpapatupad ng libreng gamutan para sa lahat ng Batangueno ayon na rin sa natalakay ng Provincial Local Health Board sa pinakahuling hybrid meeting nito.

Ang Pamahalang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, kasama ang lahat ng miyembro ng Provincial Local Health Board, ay nagkakaisa sa pagpapatupad at pagsusulong ng iba't ibang programa na nakatuon sa kapakanang pangkalusugan ng mga Batangueño.

Ayon kay Gov. Mandanas, at batay sa layunin ng Universal Health Care Law, binibigyang halaga ng lalawigan lalo na ngayong panahon ng pandemya, ang pagpapataas ng antas at pagpapalawig sa mga benepisyong pangkalusugan.

Bago matapos ang hybrid meeting, nagkasundo ang local provincial health board at provincial health office na magpadala ang mga ito ng joint letter sa Department of Health upang alamin kung papaano mapapatupad ang UHC Law ng mas kapakipakinabang sa lalawigan.

At upang matugunan ang mga pangangailangang pang-kalusugan ng mga mamamayang Batangueño, nakipagtulungan ang pamahalaang panlalawigan sa AnaKalusugan party-list sa paglunsad ng tinatawag na Batangas Kalusugan Project.

Batay sa kasunduan, dito ay mabibigyan ng Kalusugan Health Card (KHC) ang mga benipisyaryo na maaaring makapagpagamot ng libre sa mga government hospitals at iba pang accredited medical at health facilities.

Mahalaga ang KHC dahil ito ang ipapakita ng sinumang nangangailangan ng libreng pagpagamot sa mga health facilities na kabilang sa naturang kalusugan project ng lalawigan.

Hindi pa tiyak ang petsa ng pamimigay ng registration form ng KHC ngunit tiniyak ng provincial health board na magaganap ito sa lalong madaling panahon lalo na’t patuloy ang pagsirit ng mga kaso ng coronavirus sa lalawigan at sa buong bansa.

Ang eksaktong petsa ng pamimigay ng registration form para sa health card ay iaanunsyo diumano sa Batangas PIO Facebook page. Manatili lamang na nakaantabay.

Email ismaelamigo@yahoo.com .


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.