Tuwing Disyembre 30, nagtitipon ang bansa sa Luneta upang parangalan si Jose Rizal. May mga talumpati tungkol sa nasyonalismo, may mga alay na bulaklak, at may parada ng mga unipormadong hanay. Sa ganitong mga sandali, inaasahang malinaw at buo ang mensahe: paggunita sa isang bayani na nag-alay ng buhay para sa katotohanan at prinsipyo.
Ngunit may isang detalye sa taunang seremonyang ito na tila laging nakakalusot sa ating pansin....ang pagtugtog ng “La Flor de Manila” bilang bahagi ng pag-alala kay Rizal.
Sa ibabaw, wala namang masama. Isa itong kilalang awit na madalas iugnay sa kolonyal na panahon. Ngunit kapag sinipat ang kasaysayan, biglang nagiging ironic ang eksena. Ang kompositor ng awit ay si Dolores Paterno, kapatid ni Pedro Paterno.....isang personalidad na malinaw na kinamuhian at binatikos ni Rizal. Sa kanyang mga sulatin, itinuturing ni Rizal si Pedro Paterno bilang huwaran ng ilustradong oportunista: mahusay magsalita, ngunit salat sa paninindigan; makabayan sa salita, ngunit sunod sa kapangyarihan sa gawa.
Hindi pa rito nagtatapos ang kabalintunaan. Isa sa mga lyricist ng awit ay si Antonio Luna.....ang taong naging bahagi ng akusasyon laban kay Rizal sa kanyang paglilitis. Sa kasaysayan, madalas hiwalay nating tinitingnan ang mga bayani: si Rizal bilang martir ng ideya, si Luna bilang bayani ng digmaan. Ngunit sa aktuwal na konteksto, nagtagpo ang kanilang mga landas sa mas komplikadong paraan.....at hindi palaging sa panig ng katarungan.
Kaya tuwing tinutugtog ang “La Flor de Manila” sa Rizal Day, hindi maiwasang itanong: ito ba ay simpleng kakulangan sa kaalaman, o halimbawa ng seremonyang inuulit nang hindi na iniintindi ang kahulugan? Parang parangal na hindi sigurado kung sino talaga ang pinararangalan.
Hindi ito panawagang burahin ang awit o balewalain ang ambag ng mga personalidad sa likod nito. Ang mas mahalagang tanong ay kung paano natin ginugunita si Rizal.....bilang rebulto at ritwal, o bilang palaisip na walang takot bumatikos kahit kapwa niya ilustrado.
Kung may aral na iniwan si Rizal, ito ay ang huwag tanggapin ang anumang bagay dahil lamang nakasanayan na. Ang tunay na paggunita ay hindi nasusukat sa banda, parada, o seremonya, kundi sa kakayahang magtanong, magsuri, at umunawa.
At marahil, sa susunod na Rizal Day, bago tumugtog ang musika, mas mahalagang tahimik munang pakinggan ang kasaysayan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MarchanismManifesto
