Nang mabasa ko kamakailan ang resulta ng SWS survey na inilathala ng Inquirer.net – na 83% ng mga Pilipino ang naniniwala pa rin na ang papel ng mga babae ay sa tahanan at pamilya – hindi ako nagulat, ngunit hindi rin maiwasang makaramdam ng pagkadismaya.
Isa itong malinaw na paalala na marami pa tayong kailangang gawin upang itaguyod ang mensahe ng pantay na tungkulin sa kasarian para sa lahat.
Ang larawang kasama sa ulat ay tumatak sa akin: isang babae na pagod na pagod, hawak ang lapis habang nakaharap sa laptop, sa likuran niya ay mga imahen ng gawaing bahay at trabaho.
Ito ang reyalidad ng maraming babae ngayon—pinipilit balansehin ang inaasahan ng lipunan at ang kanilang sariling mga pangarap.
Kadalasan pa, sila pa ang breadwinner ng pamilya, ngunit patuloy pa ring inaasahan na sila rin ang mag-aayos ng bahay, magluluto, at mag-aalaga sa mga mahal sa buhay.
Sa katunayan, hindi lang babae ang dapat may tungkulin sa tahanan—mahalaga na kilalanin din ang kakayahan at responsibilidad ng mga lalaki sa mga gawaing ito. Dapat pantay-pantay ang hatian ng mga gawain at responsibilidad sa loob ng pamilya.
Minsan naiisip ko: bakit ba hanggang ngayon ay nakaugat pa rin sa ating kultura na ang tahanan ay para lamang sa babae?
Sa kasalukuyan, napakaraming babae ang matagumpay sa iba’t ibang larangan—nasa unahan ng mga kumpanya, naglilingkod sa gobyerno, doktor, police, at mga lider ng komunidad.
Hindi nila inabandona ang kanilang pamilya para lang magtagumpay; sa halip, natutunan nilang gampanan ang dalawang tungkulin nang sabay.
Katulad din ng mga lalaking mas piniling manatili sa bahay—ang tinatawag na "house-band" o stay-at-home dad—na buong tapang na ginagampanan ang gawaing bahay at pag-aalaga sa mga anak.
Unti-unti nang nababasag ang dating pananaw na ang pag-aalaga ng tahanan ay para lamang sa nanay.
Hindi natin binabale-wala ang halaga ng tahanan at pamilya kapag sinasabing kailangang baguhin ang ganitong pananaw. Mahalaga ang papel ng babae sa bahay, ngunit hindi ito dapat maging tanging daan para sa kanya.
Mahalaga ring mabigyan siya ng kalayaang pumili kung gusto niyang manatili sa bahay, magtrabaho, o pagsabayin ang dalawa. Ang tunay na hustisya ay nasa kalayaan at suporta ng lipunan sa anomang desisyon ng bawat isa—babae man o lalaki.
Napakahalaga ng papel ng edukasyon dito. Sa mga paaralan, itinuturo na ngayon ang equality—halimbawa, sa mga larawan ng batang lalaki o tatay na naghuhugas ng pinggan, binibigyang-diin ng guro na ang gawaing bahay ay hindi lamang gawain ng nanay kundi pati na rin ng tatay at iba pang miyembro ng pamilya.
Unti-unti nating pinapalitan ang nakagisnang gender roles at tinuturuan ang mga bata na ang bawat gawain ay responsibilidad ng lahat, anuman ang kasarian.
Sa trabaho, mahalagang mapalakas ang suporta para sa lahat ng manggagawa—access sa ligtas at abot-kayang daycare, flexible na oras, at patas na sahod batay sa kakayahan, hindi sa kasarian.
Dapat din nating labanan ang stereotype na ang babae ay limitado lamang sa mababang posisyon, at ang lalaki ay palaging dapat “tagapagtaguyod” ng pamilya.
Hindi pa tapos ang laban.
Ngunit naniniwala akong unti-unti nating mababago ang mga pananaw na ito—para sa mga babae at lalaki ngayon, at para sa susunod na henerasyon.
Sana ay dumating ang panahon na ang mga pangarap at tungkulin ay hindi na tinutukoy ng kasarian, kundi ng kakayahan, dedikasyon, at sariling kagustuhan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

