The Equalizer, Ace Fernandez
The Equalizer

PAGKAIN

Jun 16, 2021, 12:00 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

Pahingi po ng konting tulong, pangkain lang po.

Ito ang nabasa ko sa kartolinang hawak ng isang babae sa may puno ng tuloy habang kami ay naglalakbay sa daang Maharlika ng aking mga kasamahan sa OpinYon Quezonin News team. Bago kami sumapit sa tapat niya ay may ilang sasakyan na rin na dumaan at tuloy lamang sa pagtakbo ang mga ito bagaman bumagal nang konti. Nang kami ay tumapat na sa kanya ay bumagal din ang aming sasakyan at nakita ko na may ilang barya sa plastic bowl katabi ng kanyang lumang bag na malapit sa kanyang pwesto at duon lubos ko nang napagmasdan ang mukha ng babaeng hindi magsasalita ngunit maliwanag na nakasulat ang kanyang kailangan -- pagkain.
 
Sa tagpong yon ay bigla kong dinukot ang aking pitaka upang magbigay ng konting tulong sa kanya ngunit wala na pala itong laman dahil naubos na sa mga naunang nanghingi ng konting tulong sa kalsada. Anupa't nagmunimuni sa tagpong yon ay nakadama ako ng panghihinayang at pagkahabag sa aking sarili. Panghihinayang sapagkat di ko naabutan ng kahit konting tulong ang babaeng nasa tabing kalsada. Pagkahabag sapagkat ang nakita kong tagpo sa may puno ng tulay ay repleksyon lamang na sumasalamin sa totoong kalagayan ng mga Pilipino sa kasalukuyan.
 
Bakit ba kailangang magkaganito ang dati ay masaganang bansa na nuon ay ikalawang pinakamaunlad na bansa sa Asia, kasunod ng Japan. Saan ba talaga may mali ang mga Pilipino, tanong ko sa aking sarili. Magagaling naman ang Noypi at katunayan ay kinukuha pang konsultant sa ibang bansa. Hindi ba at lagi nating ipinagmamalaki na tayo ay makabayan at kung umawit pa ng Lupang Hinirang ay nakapatong pa sa dibdib ang mga kamay. Kung makahataw ng Panatang Makabayan ay wagas na tila baga totoo ang saloobin ng matikas na Pilipinong nakasaludo sa bandila ng sinisintang bayan.
 
Sulyapan natin ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan dahil ayon sa balita ay dumarami na ang mga Pinoy na nagugutom dahil sa pandemya at kawalan ng trabaho.
 
Ayon sa survey ng Food and Nutrition and Research Institute (FNRI) ay lumalabas na anim sa bawat 10 Pinoy o 62.1 percent ng mga Pilipino ang nakakaranas ng moderate o severe food insecurity o kakulangan sa pagkain. Lumalabas din sa survey na 71.7 percent ng households ay bumibili ng pagkain sa pamamagitan ng pangungutang habang ang 66.3 percent ay utang sa mga kamag-anak o kapitbahay.
 
Ayon pa sa survey ay tumaas ang kakulangan sa pagkain sa pagitan ng Abril at Mayo nuong nakaraang taon dahil sa pinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ) kung saan 5,717 household na may 7,240 indibidwal ang naapektuhan. Ngayon ay di na ako magtataka na marami ang mga taong pumupunta sa mga community pantries sa iba't- ibang bahagi ng bansa na kamakailan nga ay sumali at nag-sponsored pa ang OpinYon Quezonin News team sa ginawang community pantry ng grupong Alyansa ng Lahing Maharlika, Inc. at ITC Zumba Group sa Barangay Isabang, Tayabas City.
 
Sa social experiment na ito ay nakita ko na may konting disiplina pa ang natitira sa mga Pilipino sa mga sumusunod na aspeto: sa pagpila sa pagkuha ng mga gulay, bigas, tinapa at iba pang pangangailangan. Dito ko rin napagtanto na habang ang iba ay pasasa sa pagkain at halos di na makadighay sa kabusugan ay meron pala tayong mga kababayan na lihim na itinatago ang katotohanan na sila ay kinakapos sa pagkain at kumakalam na rin ang sikmura sa panahong ito ng pandemya.
 
Ikaw ba, bes, hindi ka pa ba nagugutom?


Tags: #commentary, #columns, #TheEqualizer, #Pagkain, #Gutom


More about The Equalizer

The Equalizer, Ace Fernandez

Tsinelas

a day ago

The Equalizer, Ace Fernandez

Tsinelas

a week ago

The Equalizer, Ace Fernandez

Tuyong Dahon

a month ago

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2021 OpinYon News. All rights reserved.