iTalk by Ismael Amigo
iTalk

Organic fertilizer para sa ligtas na kalusugan

Nov 4, 2021, 12:45 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

ISANG bagong shredder-composter machine ang tinanggap ng lungsod ng Tanauan mula sa Dapartment of Environment and Natural Resources (DENR).

Ito’y nakalagak sa Material Compost Facility (MRF) ng lungsod partikular na sa Sitio Dayapan, Brgy. Bilog-Bilog.

Ang shredder-composter set na ito ay kayang magproseso ng isang toneladang compost material sa loob ng 24 oras at bagong shredder na kaya namang gumawa ng dalawang toneladang organic waste kada araw.

Sa pamamagitan nito, muling mapagkakalooban ng city government ng libreng organic fertilizer ang mga magsasakang Tanaueño para sa kanilang mga sakahan na naudlot matapos masira ang unang shredder-composter na matatagpuan din sa naturang pasilidad.

Ang turn-over ng naturang mga kagamitan ay isinagawa nitong Oktubre 20, 2021 lamang.

Tinanggap ito nina Engr. Rico Javier, Department Head ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), Mr. Ariel Bathan, Assistant Head ng CENRO, Engr. Severino Ilagan, tagapangasiwa ng MRF, at ilang mga kawani ng CENRO.

Para sa ordinaryong mamamayan, ito’y hindi pagkakaguluhan dahil ‘ika nga wala namang itong “star appeal.”

Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, ito’y sobrang mahalaga.

Lalo ngayong mga panahon na sobrang ingat ang mga tao sa kanilang kalusugan na, sa katunayan ay nagmumula sa ating mga kinakain partikular na rito ay ang gulay.

Sa dating chemical-based na uri ng mga pataba sa halamang pagkain o gulay, mas gusto na ngayon ng nakakarami ang ligtas na uri ng pagkain sa mga chemical.

Mayroon tayong kaibigang agriculturist dito sa lungsod ng Sto. Tomas na siya mismo ang nangingilabot sa mga nababalitaan niyang sobrang paggamit ng chemical-based insecticides na ini-spray sa mga gulayan upang mapanatiling buo ang mga dahon.

Ang epekto ng chemical ay upang patayin ang mga uod na nanginginain sa mga dahon ng gaya ng pichay, talong, beans, at iba pang “leafy green and healthy vegetables.”

Ayos iyan at mukhang malulusog nga ang mga panindang gulay ngunit ang hindi alam ng taumbayan ay lason na rin ang kanilang binibili at kinakaing gulay.

Diyan po pumapasok ang kahalagahan ng shredder sa paggawa ng compost at natural o organic na pataba sa mga gulayan dahil ito’y ligtas sa kalusugan.

Magugunitang kamakailan lamang din ay namigay ng kakaibang ayuda ang lungsod – sako-sakong ipot ng manok, ngunit muli, ito ay para sa ligtas na gulayan at kalusugan.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.