The Equalizer, Ace Fernandez
The Equalizer

Mr. Tong Fats

Oct 6, 2021, 12:20 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

NAGNGANGALIT ang mga bagang ng taong bayan habang nanunuod ng isang tila teleserye sa Senado at Malacañang. Hindi lubos maisip ng madlang pipol na may ganitong isyu ng bilyon- bilyong over priced ng mga biniling PPEs at iba pang uri ng medical supplies para gamitin na panlaban sa cofit, este Covid-19 pandemic.

Ganern pala ang script ng mga umano'y nagsabwatan para tiyakin na makakakuha ng kickbacks sila Mr. Tong Fats at ang kanyang kontaks sa PS- DBM.

Una, ang sabi ni Sen. Dick "Flash" Gordon na tiniyak umano ni Mr.Tong Fats na may tao sila sa OMBUDSMAN at sa Department of Budget and Management upang sa paglapat ng kotrata ni Mr. Tong Fats ay walang magiging problema.

Well scripted ika nga ang sabi ni Juan Makabayan na ang hanap buhay ay labis na naapektuhan dahil sa pandemya. Nawalan siya ng pagkakakitaan at ang kanyang tatlong tauhan na umaasa sa kanyang maliit na negosyo upang buhayin ang kanilang pamilya na nagkataong ang dalawa dito ay may sanggol pang kailangan ang gatas para madugtungan ang buhay na hiram.

Balik tayo sa kwento ng transakyon sa PS- DBM,matapos na itransper ang P 42 bilyon mula sa DOH sa nasabing ahensya ay nagsimula nang kumana ang mga galamay ni Mr. Tong Fats para tiyakin na ang P8.2 bilyong halaga ng kalasag sa Covid-19 ay mapapunta sa kumpanyang P650,000 lamang ang puhunan na kung tutuusin ay di kwalepayd sa tamang proseso na itinadhana mismo ng Bayanihan Act.

Anupa't nagkaigi diumano ang kanilang kutsabahan, na meron pang segway ng script na magretool o magbago ng makinarya ang mga kumpanya sa garment industry na gumagawa na rin ng mga PPEs para daw makapag produce ng maraming PPEs dahil kailangan diumano ni Juan Dela Cruz at Maria Purodaing para daw makaligtas sa salot na dumating.

Kaagad na kumilos ang mga negosyanteng sinabihan ng DTI dahil iniisip din nila ang daang libong manggagawa sa kanilang industrya at naglagak sila ng humigit 1 bilyong pisong dagdag puhunan upang sundin ang tagubilin ng ahensyang nabanggit.

Pero, matapos sundin ang nasabing tagubilin ay ito ang masaklap,,,yong 13 pesos na presyong napag-usapan sa bawat facemask na kukunin sa mga Pilipinong manggagawa at kapitalista ay ibinaba na lamang ito sa 2 peso kada isang facemask. Ito ay matapos na ang delivery ng mga substandard at expiring na faceshield ayon sa testigo sa Senado at iba pang uri ng PPEs na binili sa presyong 27 pesos kada isa.

Sa P8.2 bilyong halaga na biniling PPEs ng PS- DBM, lumalabas na meron pang hindi nagagamit ang DOH dahil sa tsenitsek pa daw ito. Ang halaga lang naman nito ay humigit 3 bilyong peso mula sa buwis ng taong bayan na ngayon ay nawalan ng trabaho dahil sa Covid-19.

Habang ang mga opisyal ng kumpanya ni Mr.Tong Fats ay bumili ng mga bagong mamahaling sasakyan tulad ng Lamborghini, Porsche, at iba pang luxury cars matapos ang kanilang transaksyon sa PS-DBM ay kumakalam naman ang sikmura ng mga Pilipinong nasadlak sa matinding kahirapan. Ito pala ang new normal sa panahon ng pandemya. Grabe di ba?

Ayon sa IBON Foundation, P300 bilyon ang nawawala sa kabang bayan kada taon dahil sa tongpats at katiwalian. Kaya naman,kahit anong laki pala ng pondong ilaan sa bawat ahensya ng pamahalaan ay hindi nababago ang buhay ng mga Pilipinong nasa laylayan dahil ang malaking halaga ng buwis ng taong bayan ay napapapunta sa bulsa ng iilan at kay Mr. Tong Fats.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.