Tulad ng maraming Pilipino, nagpasya akong magpa-full tank ng aking lumang Vios nitong Lunes, March 9.
Bakit? Dahil may banta na naman ng panibagong pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ang ugat ng problemang ito ay hindi na bago—ang patuloy na sigalot sa Middle East na nagpapataas sa pandaigdigang presyo ng krudo.
Tila naging parte na ng ating kultura ang magmadali sa gasolinahan bago pa man dumating ang kinatatakutang anunsyo ng "oil price hike."
Ang paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng gasolina ay direktang sumasakal sa bulsa ng bawat mamamayan.
Hindi lang ito problema ng mga driver at operator ng pampublikong transportasyon, kundi nagdudulot din ng domino effect sa buong ekonomiya.
Dahil sa mahal na krudo, tumataas ang gastos sa transportasyon ng mga produkto mula sa bukid patungo sa merkado, gayundin sa pagpapatakbo ng mga pabrika at negosyo.
Ang resulta? Tumataas ang presyo ng mga bilihin. Pati presyo ng koryente ay naaapektuhan, dahil umaasa pa rin tayo sa petrolyo at iba pang fossil fuels para sa enerhiya.
Bagama’t may panukala mula kay Senador Ralph Recto na magbigay ng fuel subsidy na P5,000 bawat driver sa loob ng isang linggo, ito ay tila band aid solution at hindi tunay na solusyon sa ugat ng problema.
Lalo pang nararamdaman ang bigat ng sitwasyon ng mga kabilang sa "middle class"—ang pangunahing nagbabayad ng income tax—na tila laging napag-iiwanan at walang gaanong benepisyo mula sa mga programang tulad nito.
Sila ang nagtatrabaho, nagbabayad ng tamang buwis, ngunit sila rin ang pinakaapektado ng inflation nang walang direktang ayuda.
Ang regular na pagtaas ng presyo ng petrolyo ay patunay ng matinding epekto ng pandaigdigang merkado sa ating lokal na ekonomiya.
Sa tuwing may krisis sa langis, unang tumataas ang presyo ng gasolina, na sinusundan ng domino effect sa presyo ng pangunahing bilihin at koryente.
Kailangan nating harapin ang realidad na ang pagdepende sa pandaigdigang presyo ng krudo ay patuloy na magiging hamon sa ating ekonomiya.
Ang mga panandaliang solusyon tulad ng pagbibigay ng P5,000 fuel subsidy ay makakatulong, ngunit hindi sapat upang tugunan ang malalim na epekto ng mataas na presyo ng petrolyo—lalo na sa middle class na hindi direktang nakikinabang sa mga ayuda, ngunit sila ang nagpapatakbo ng ekonomiya.
Ang pinakamabisang solusyon ay ang pagsusuri at, kung maaari, ang pag-alis ng excise tax sa gasolina.
Sa ganitong paraan, magiging pantay-pantay ang benepisyo para sa lahat ng gumagamit ng petrolyo—mula sa mga driver ng public utility vehicles hanggang sa karaniwang empleyado na gumagamit ng sariling sasakyan at pangkaraniwang mamamayan.
Magreresulta ito sa pagbaba ng presyo sa petrolyo pati na rin ng mga bilihin, serbisyo, at koryente.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #OpinYonAtKatwiran

