Mga commuter sa San Pedro City, umaangal sa mahal na pamasahe sa tricycle
Provincial News

Mga commuter sa San Pedro City, umaangal sa mahal na pamasahe sa tricycle

Dec 14, 2021, 7:08 AM
James Veloso

James Veloso

Writer/Columnist

Ngayong muling pinapayagan na magsakay nang dalawa o higit pa sa mga tricycle sa lungsod ay hiniling na ng ilang residente na ibalik sa dati ang pamasahe sa tricycle upang makaluwag naman sa mga pasahero.

PANAHON nang ibalik sa dati ang pamasahe sa tricycle sa ilang lugar sa San Pedro City, ayon sa maraming mga mamamayan na apektado ng walang patumanggang pagtataas ng pamasahe ng mga abusadong tricycle driver.

Sa isang post sa Facebook group na "San Pedro Reklamo at iba pa," partikular na inihirit ng isang netizen na ibalik sa P10 ang pamasahe sa tricycle papunta sa ilang subdivision sa Barangay San Antonio.

Dating nasa P10 ang minimum fare sa tricycle sa naturang lugar bago tumama ang Covid-19 pandemic noong nakaraang taon ngunit nang ibalik ang biyahe ng tricycle noong nakaraang Hunyo 2020 ay itinaas ito sa P20.

Ito ay bunsod na rin sa hiling ng ilang tricycle driver na itaas ang pamasahe dahil kakaunti nga lamang ang kayang isakay sa mga tricycle dahil na rin sa health protocols na ipinatutupad bunga ng pandemya.

Ngunit ngayong muling pinapayagan na magsakay nang dalawa o higit pa sa mga tricycle sa lungsod ay hiniling na ng ilang residente na ibalik sa dati ang pamasahe sa tricycle upang makaluwag naman sa mga pasahero.

"Original fare ay P10. During pandemic naging P20 dahil bawal magsakay ng iba. Ngayon na nag luwag na ang pagsasakay, ang singilan P20 per head pa rin. Mas mahal pa sa pre-pandemic fare," ayon sa nagpost na kinilalang si Feliciano Nidoy.

Ngunit giit naman ng iba pang mga netizen na dapat namang pagbigyan ang mga tricycle driver sa kanilang kasalukuyang singil dahil bumabangon rin sila sa pagkalugmok ng kanilang mga kabuhayan dahil sa pandemya.

Humiling naman ni Nidoy sa pamahalaang lungsod ng San Pedro na maglabas na ng kautusan sa pamasahe sa mga tricycle sa lungsod upang hindi na magtalo ang mga pasahero at tricycle driver sa tamang pamasahe.

tags: #OpinYonLaguna, #SanPedroCity, #tricycles, #fares, #Covid19


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.