…..kapag yumanig ang lupa, hindi lang mga residente ….ang nanginginig sa takot….kundi pati na rin ang mga kontraktor na nagtayo ng mga istrukturang iyon.
Kagabi, yumanig ang Cebu sa isang lindol na may lakas na 6.9. Hindi ito ang pinakamalakas na naranasan natin, pero sapat na para ipaalala ang isang hindi komportableng katotohanan: kapag yumanig ang lupa, hindi lang mga residente sa kanilang mga bahay ang nanginginig sa takot….kundi pati na rin ang mga kontraktor na nagtayo ng mga istrukturang iyon.
Bakit? Sapagkat bawat pagyanig ay naglalantad ng mga sikreto sa ilalim ng semento, bakal, at pinturang makintab. Ang lindol ang tunay na “eksaminasyon” ng anumang gusali o kalsada. Kapag masyadong madaling bumigay ang istruktura, agad nagtatanong ang taumbayan: matibay ba talaga ito, o isa na namang proyektong ginawa sa substandard na paraan at ipinasang parang “pwede na”?
Ang mga kontraktor ay hindi lamang humahawak ng proyekto; hawak nila ang buhay ng mga tao. Bawat shortcut, bawat bag ng semento na tinipid, bawat bakal na pinalitan ng mas mura…mga desisyong maaaring hindi makita ngayon, pero unti-unting nabubunyag tuwing may sakuna. Kapag may gusaling gumuho, hindi lang pader ang nasisira…kundi tiwala, kabuhayan, at mismong kaligtasan ng pamilya.
Ang lindol kagabi ay maaaring hindi nagdulot ng matinding pinsala, pero ito’y malinaw na babala. Paalala sa mga kontraktor: ang pirma ninyo sa plano ay hindi lang papel…isa itong pangako na protektado ang buhay ng tao. Kapag mabilis bumagsak ang isang gusali, hindi ang lupa ang tunay na may kasalanan kundi ang kasakiman at kapabayaan ng tao.
At para sa ating lahat, tandaan: tungkulin nating magtanong at maningil. Na-inspeksyon ba nang tama ang gusali? Sumasalamin ba ito sa pamantayan? May pananagutan ba ang dapat managot? Dahil sa susunod na pagyanig…at tiyak na darating iyon…hindi na natin kayang bayaran ang presyo ng katahimikan.
Sa huli, hindi lang mga gusali ang sinusubok ng lindol. Sinusubok nito ang ating integridad, lalong lalo sa mga nag-construct nito.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonColumn #MarchanismManifesto