“Meow meow!” ... simpleng tunog ng pusa, pero sa panahon ngayon, parang mas may saysay pa kaysa sa mga pahayag ng ilang opisyal sa balita. Minsan kasi, sa sobrang gulo ng bansa, mas malinaw pa ang iyak ng pusang gutom kaysa sa mga pangako ng mga nanunungkulan.
Habang ang taumbayan ay nag-aabang ng hustisya, tulong, at kaunlaran ... ang naririnig lang natin ay puro “imbestigahan natin ‘yan,” “sisiyasatin natin ‘yan,” o “we will form a task force.” Task force na parang multo .... alam mong nandiyan, pero walang ginagawa. Kaya siguro may mga taong nagme-“meow meow” online .... hindi dahil sa kabaliwan, kundi dahil sa katinuan na gusto na lang itago sa katatawanan.
Tingnan mo, sa mga nangyayaring skandalo .... overpricing dito, anomalya doon, donation na hindi nakakarating .... parang teleserye ng bansa natin walang ending. Pero kung magpost ka ng “meow meow” o gumamit ng kakaibang humor, biglang viral! Aba, mas epektibo pa ‘to sa senate hearing. Kasi nga, ang lipunan ngayon, kailangang tapikin sa noo bago matauhan.
Kaya minsan, hindi mo masisisi ang mga taong nagiging “odd” online. Yung tipong may satire, may halong kabaliwan, pero may katotohanan sa ilalim. Kasi kung diretsuhin mo ng seryosong aral, walang makikinig. Pero pag ginawan mo ng meme, ng “meow meow,” ng tula o hugot....ayun, trending agad! At least, may chance pang mapaisip ang tao bago matulog.
Pero sa likod ng katatawanan, may lungkot. Kasi isipin mo .... pati tax colecrions, at foreign aid, matumal na daw. Hindi na gaanong nagtitiwala sa atin ang ibang bansa pagdating sa sakuna. Bakit kaya? Baka kasi kahit tulong, may kaltas pa bago makarating. Baka sa halip na tulong, may “kickback.” Sa halip na relief goods, may “relief selfie.”
Kaya minsan napapaisip ako: kung ganito pa rin ang takbo ng pamahalaan, ano na kaya ang kinabukasan ng mga anak natin? Magiging “meow meow generation” ba sila ... marunong tumawa pero sugatan sa loob? Marunong magpatawa, pero pag binuksan mo ang puso, puro pagod na sa kababalaghan ng bansa?
Nakakatawa, pero nakakaiyak din. Kasi sa totoo lang, gusto lang naman nating lahat ay maayos na pamumuhay, patas na sistema, at gobyernong marunong mahiya. Pero habang ang ilan ay naglalaro sa kapangyarihan, tayo naman, naglalaro sa pag-asa.
Kaya ayan, Cong Meow Meow, saludo ako sa ‘yo. Hindi dahil sa kabaliwan, kundi dahil sa kakaibang paraan mong paggising sa tulog na bayan. Sa panahon ng kasinungalingan, minsan ang pinaka-totoo ay yung pinakatanga ang itsura.
At sa dulo, kung sakaling wala pa ring magbago ... baka sa halip na sigaw ng protesta, sabay-sabay na lang tayong mag-“meow meow” sa kalawakan. Baka sakaling marinig tayo ng may Likha… dahil sa gobyerno, wala na tayong marinig kundi “investigation ongoing.
Wala pa ring “big fish” na nahuli...pero ayun, pusang gala pa rin ang lumalakad sa kalsada, gutom sa katarungan, at tuloy sa pag-“meow meow” para ipaalala: ang tahimik na hinaing ng bayan, minsan sa pusa mo pa maririnig kaysa sa mga naka-crocs na halal ng bayan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MarchanismManifesto
