Masipag na ambassador si Jing Quan
VIEW FROM CALUMPANG

Masipag na ambassador si Jing Quan

Apr 14, 2026, 2:42 AM
Diego S. Cagahastian

Diego S. Cagahastian

Columnist

Habang patuloy na kumukulo ang conflict sa West Asia kung saan nagpapatayan ang Israel, Estados Unidos at Iran, kasama na ang Hezbollah sa Lebanon, ang Hamas sa Gaza at ang Houthis sa Yemen, at habang patuloy na pinakukulo ng Stratbase Institute at ng mga Tarriela, Brawner, Carpio, Pangilinan at Hontiveros ang isyu sa South China Sea, si Ambassador Jing Quan ay busy naman sa mga bagay na produktibo at positibo.

Ang ibig sabihin, alam ni Embahador Jing ang kanyang trabaho -- ang makipagkaibigan sa bansang kanyang kasalukuyang istasyon, at ang ipagtanggol at ipagmalasakit ang kapakanan ng kanyang mga kababayan sa nasabing teritoryo, sa ilalim na rin ng mga umiiral na batas ng China at ng Pilipinas.




Mapupuna ng sinuman ang sunud-sunod na miting ni Jing sa mga opisyal na ehekutibo ng bansa.




Kabilang sa kanila sina Department of Tourism OIC Secretary Verna Buensuceso (Abril 7), Immigration Commissioner Joel Anthony Viado (Marso 30), Manila Mayor Isko Moreno, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel (Marso 17), Senators Raffy Tulfo at Rodante Marcoleta, Maria Andrelita S. Austria, Undersecretary for International Economic Relations ng Department of Foreign Affairs, at Secretary Renato Solidum Jr. ng Department of Science and Technology (Abril 7).




Marami pang iba ngunit ito ang pinaka-latest niyang meetings.




Sa DOST, si Jing at Secretary Solidum ay nagpalitan ng kuru-kuro tungkol sa higit pang kooperasyon ng dalawang bansa sa artificial intelligence, bagong enerhiya, at pag-iwas sa mga disaster gayundin ang pagtulong sa mga biktima ng ganitong mga sakuna. Nais din nina Solidum at Jing na magkatulungan ang mga mananalisik na Tsino at Pilipino sa scientific research.




Sa Kagawaran ng Turismo, sina Buensuceso at Jing ay nag-usap tungkol sa posibilidad na dagdagan pa ang direct flights ng eroplano sa biyaheng China-Pilipinas, lalo na sa mga popular na destinasyon tulad ng Boracay at Bohol.




Nagkasundo silang palakasin pa ang kooperasyon sa turismo, ang palitan ng karanasan at people-to-people exchanges, at pagkakaroon ng mga tunay na hakbang para sa proteksiyon ng mga turistang Tsino sa Pilipinas.




Matatandaang nagkaroon ng magandang pag-unlad ang turismo ng bansa dahil ibinalik na ng DFA ang e-visa para sa mga Tsino at nakatulong din ang pagbabalik ng direct flights ng eroplano mula Cebu hanggang Quanzhou, isang siyudad sa Fujian Provinces ng China. Ang Xiamen Air ay siyang nagbibigay ng serbisyong ito mula sa Mactan-Cebu International Airport.




Samantala, tinalakay nina Jing at Secretary Tiu Laurel ang higit pang kooperasyon sa agrikultura ng dalawang bansa, lalo pa nga't nagiging sikat sa China ang mga prutas ng Pilipinas tulad ng durian, at nagsisimula na rin tayong mag-export ng eel sa nasabing bansa.




Si Commissioner Viado at ang embahador ng Tsina ay nag-usap din upang talakayin ang mga kinakailangang hakbang upang maproteksiyunan ang mga karapatan ng mga turista at manggagawang Tsino na nasa Pilipinas. Ito naman ang pangunahing trabaho o responsibilidad ng isang ambassador.




Ang nasabing mga activities ay nagpapatunay na talagang napakasipag at responsable si Ambassador Jing Quan.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #ViewfromCalumpang


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.