malagim na sakuna sa Sto tomas
iTalk

Malagim na sakuna sa Sto. Tomas

Jan 4, 2024, 1:55 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Una po sa lahat, nakikiramay ang deadline-beater na ito sa mga kamag-anakang naulila ng limang pumanaw sa isang malagim na trahedya sa lansangan ng Sto Tomas City nitong Sabado (23 Dec 2023), dalawang araw bago sumapit ang Pasko.

Mga kababayan po natin ang mga nasawi.


Hindi lang isa, dalawa, tatlo kundi lima (5) ang binawian ng buhay on the spot matapos na sumalpok diumano ng kanilang sinasakyang Innova sa isang southbound na dambuhalang truck sa kabilang lane.


Maliban sa mga namatay, tatlong ang critical na naisugod naman ng responders sa kalapit na St. Cabrini Hospital na matatagpuan din sa kahabaan ng Maharlika Highway, katabi lamang ng Pamilihang Bayan ng Sto Tomas.


Sadyang kalunos-lunos, makadurog-pusong pangyayari ang naturang insidente.


Kapuwa nating Waray-waray ang lahat ng biktima ngunit maging sinupaman, Waray man o hindi, sadyang maaapektuhan tayong mga simpleng mga nilalang ng Diyos sa kadahilanang hindi natin asam ang masadlak sa ganitong pangyayari.


Ayon sa ilang saksi, nangyari umano ang naturang malagim na insidente dakong alas-2 ng madaling araw malapit sa bagong tayo na SM City Sto Tomas.


Nakatulog daw ang driver ng northbound Toyota Innova na kanilang sinasakyan kung kaya’t hindi nito namalayan na kumurba na itong pakaliwa hanggang sa sumalpok head-on sa rumaragasang truck.


Nauunawaan ko ang ganitong daranasin ng kung sinumang driver na nagmamaneho sa madaling araw dahil hindi na mabilang sa mga kamay ko kung nakailang beses na akong umuwi sa aming bayan sa Eastern Samar na may dalang sariling sasakyan simula pa noong 2006 at mayroong gabi at mahabang araw na takbuhan.


Normal na aabutin ng antok ang isang driver sa manibela lalo na kung wala na itong kausap habang nagbibyahe.


Kadalasan kasi nauunang nakakatulog sa biyahe ang mga kasama lalo na’t malamig ang aircon, tahimik, at pagod na rin sa haba ng biyahe. Ngunit ang ginagawa ko ay hahanap ako ng gas station at doon ako nanakaw ng tulog kahit na 30 minutes lamang. Kapag muling inantok, tigil uli.


Galing diumano ang mga biktima ng malagim na trahedya sa Catarman, Northern Samar na patungo sana sa Nueva Ecija ngayong Pasko na malamang ay dadalo sa isang family reunion.


Tunay na makadurog-puso ang masadlak (sad luck) sa ganitong trahedya dahil sa halip na nagsasaya ang isang pamilya ay may kinakaharap na unos sa buhay.


‘Wag na nating intindihin pa ang naidulot na trapiko na umabot ng hanggang anim na oras mula sa naturang trahedya dahil kahit sinupaman ay mas nanaisin na lamang na magutom sa daan kesa ikaw ang dahilan ng trapiko.


Ngunit, ‘ika nga, life must go on. Tuloy ang buhay.


Ang mahalaga ay patuloy lamang tayo ng paniniwala at hindi tayo kailanman bibitiw sa Kanya, God Almighty.


Lord, salamat po sa lahat.


Wishing everyone a Happy & Prosperous New Year!

#iTalk #IsmaelAmigo #MalagimNaSakunaSaStoTomas #StoTomasCity #OpinYonColumn #OpinYon #WeTakeAStand


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.