Open Line Column by Bobby Ricohermoso
Open Line

Magandang bakbakan ito!

Sep 20, 2021, 4:10 AM
Bobby Ricohermoso

Bobby Ricohermoso

Editor

KAHAPON ay pormal ng inilunsad ng Pimentel wing ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang kandidatura sa pagka-pangulo ni boxing legend at Sen. Manny Pacquiao para sa halalan sa susunod na taon.

Malugod namang tinanggap ni Pacquiao ang endorsement sa kanya ng partido at sa kanyang talumpati ay maliwanag na inilatag niya ang gusto niyang mangyari at kung bakit siya tatakbo bilang pangulo.

"Panahon na upang manalo naman ang mga naaapi. Panahon na para makabangon ang bayan natin na lugmok sa kahirapan. Panahon na nang isang malinis na gobyerno na kung saan ang bawat sentimo ay mapupunta sa bawat Pilipino," sabi niya.

"Sa mga nanunungkulan sa ating pamahalaan na patuloy na nagsasamantala at nagnanakaw sa kaban ng bayan, malapit na kayong magsama-sama sa kulungan. Your time is up," matapang niyang pahayag.

Malinaw sa kanyang speech na magiging laban ng mahihirap na kinakatawan niya kontra sa mga mayayaman at korap na tradisyonal na politiko, ang magiging direksyon ng kanyang kampanya.

Kung totoo ang naunang deklarasyon ni Davao City Mayor Sara Duterte na hindi na siya tatakbo ay malaking bentahe ito para sa kandidatura ni Pacquiao.

Kung magpapasiya kasing tumakbo si Sara ay malaking bahagi nang mga boto mula sa Mindanao ang mawawala kay Manny, kaya baka makalusot ang ibang makakalaban nilang dalawa.

Sa totoo lang , bagamat hindi siya nangunguna ngayon sa mga survey, subalit para sa mahihirap na bumubuo sa halos 75 porsiyento ng populasyon, ay siya ang kanilang idolo.

Para sa kanila si Manny ang kanilang tunay na kampeon dahil nakikita nila ang sarili nila at simbolo siya ng mga mahihirap na nagsikap at nagtagumpay.

Samantala, isa pang kapansin-pansin kahapon ay tuluyan na ring sinabi ni VP Leni Robredo na bukas siyang tumakbo para bitbitin ang bandila ng oposisyon.

Maliban sa kanya , lumabas din ang press release nina Manila Mayor Isko Moreno at Taguig Cong. Alan Peter Cayetano na hinihikayat kuno sila ng ibat-ibang grupo para tumakbo din bilang pangulo.

Alam naman natin na sina Leni, Isko at Alan Peter ay talagang pawang naglalaway para maging pangulo kaya asahan natin na maghahain din sila ng kandidatura.

Pero sa tingin ng maraming political analyst, kung sila lang ang itatapat kay Manny at wala si Sara ay malamang na sa kangkungan sila pupulutin.

Ngayon pa lang ay marami na ang nagsasabi na magandang bakbakan ang mangyayari sa Eleksyon 2022.

Abangan!


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.