Open Line Column by Bobby Ricohermoso
Open Line

Laban para sa kalikasan

Sep 21, 2021, 7:04 AM
Bobby Ricohermoso

Bobby Ricohermoso

Editor

KAPANSIN-PANSIN na abalang-abala na ang mga political operator sa panggugulo sa buong bansa at sa pagpapapogi sa mga kliyente nila lalo na iyong may mga planong tumakbo sa mga national position sa Mayo sa susunod na taon.

At siyempre ang isa sa mga pinag-aagawang puwesto na ilalaban talaga nila ng patayan para makuha ay ang pagka-pangulo, at ang tsansang tumira sa Malakanyang sa loob ng anim na taon.

At ilan ngasa mga nagpahayag na nang interes na tumakbo bilang pangulo ay sina Sen. Ping Lacson at Manny Pacquiao, at tiyak na susunod na rin sa kanila sina VP Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, Bongbong Marcos, at kundi magbabago ang ihip ng hangin ay si Davao City Mayor Sara Duterte rin.

Pati nga iyong mga walang pag-asang manalo na tulad nina Cong. Alan Peter Cayetano at Sen. Dick Gordon ay nagpa-plano ring tumakbo.

Sa totoo lang kahit matagal pa naman ang panahon ng kampanya ay matagal ng nangangampanya ang mga potential candidate na ito, at kapansin-pansin na halos iisa ang tema ng plataporma de gobyerno nila.

Lahat sila ay nangangako na hahanguin sa kahirapan ang mga tao, wawalisin ang korapsyon sa gobyerno, bibigyan ng trabaho ang walang trabaho, pabahay sa walang bahay at kung ano-ano pa.

Dahil nga sa dami ng magagandang pangako ng mga politiko, mapapaisip ka na parang nasa langit ka na pag natapos na ang halalan.

Pero as usual alam naman natin na hindi rin nila matutupad ang karamihan sa mga pangako nila.

Subalit kung ako ang tatanungin, ang kandidato na susuportahan ko ay iyong mangangako na itataguyod ang kapakanan at pangangalagaan ang ating kapaligiran at likas na yaman.

Sa totoo lang, kung ang isang kandidato ay totoong nagmamahal sa kalikasan tiyak na kaya niya ring labanan ang lahat ng uri ng katiwalian, at sa paraang ito ay mapapaangat niya rin ang uri ng pamumuhay ng mga mamamayan.

Napag-uusapan na rin lang ang pangangalaga sa kalikasan, nais kong batiin si DENR Sec. Roy Cimatu dahil sa mahusay niyang pamumuno sa kanyang kagawaran.

At isa nga sa mga reporma na isinusulong niya upang maipasa na bilang batas sa lalong madaling panahon ay ang Environmental Protection and Enforcement (EPEB) bill.

Nasa dalawang kapulungan na ng Kongreso ang panukalang batas at naniniwala si Cimatu na malaki ang maitutulong nito sa kanilang kampanya upang sugpuin ang mga environmental crime tulad ng illegal logging at mining, bawal na pagbebenta ng endangered animal species at iba pa.

At habang hinihintay niya ang pagsasabatas ng panukala ay itinatag niya ang Environmental Law Enforcement and Protection Services (ELEPS), na isang tanggapan na kahalintulad ng PNP at NBI, para mas mapalakas nila ang laban sa mga environmental criminal.

Sa madaling salita ay masigasig si Cimatu na pangalagaan at protektahan ang ating kalikasansapagkat alam niya na ito ang susi upang maging mas maunlad, malinis at maayos ang ating bansa, hindi lang ngayon kundi maging sa darating pang mga panahon.

Sana naman mayroong kahit isang kandidato sa pagka-pangulo ang magbibigay din ng pansin sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan.

Hindi na biro ang nangyayaring mga sakuna sa bansa tulad ng mga malawakang pagbaha sa panahon ng tag-ulan at kawalan naman ng maayos na mapagkukunan ng malinis na tubig sa panahon ng tag-init.

At ang pangunahing dahilan ng mga sakunang iyan ay ang patuloy na pagkasira ng ating mga kabundukan , kagubatan at maging ating mga karagatan, na pinalalala pa ng global warming at climate change.

Kaya naman kung sino man sa tatakbong pangulo ang gagamiting plataporma ang pangangalaga sa kalikasan ay tiyak na susuportahan ko at ikakampanya ko pa ng LIBRE!


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.