The Equalizer, Ace Fernandez
The Equalizer

KMU, ayaw ng militaristic solution

Nov 10, 2021, 12:15 AM
Ace Fernandez

Ace Fernandez

Writer/Columnist

SA mga sektor sa bansa ang mga manggagawa ay isa sa labis na naapektuhan sa panahong ito ng coronavirus pandemic. Milyon-milyong Pilipino ang mga nawalan ng trabaho dahil sa ECQ na ipinatupad ng gobyerno upang maiwasan umano ang mabilis na pagdami pa ng kaso ng Covid-19 sa Pilipinas.

Subalit sa magandang intesyong ito ng pamahalaan ay tila nahihirapan pa rin itong makontrol ang pagdami ng mga nagpositive sa Covid-19 bagaman napapabagal umano nang bahagya ang pagdami ng kaso nito ayon sa Department of Health.

Hindi maikakaila na ang pamilya ng mga
manggagawang Pilipino ay syang nagpasan ng mabigat na krus na dala ng sakit na nakakahawa. Ayon kay Elmer Labog, pinuno ng samahang Kilusang Mayo Uno o KMU na lumalabas sa kanilang pagsusuri na mahigit walong milyon pamilya ng mga manggagawa pa lamang ang nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno na ito ay 41 percent sa bilang na tinarget ng pamahalaan.

Marami rin umanong mga manggawa na patuloy na umaasang mabibigyan pa rin ng ayudang ipinangako ni Pangulong Duterte na diumano ay "now you see, now you don’t" na ang ibig sabihin daw ay minsan sasabihin nito na maraming pondo, at minsan sasabihin naman nito na walang pondo.

Nanawagan din sa gobyerno ang KMU leader na bigyan ng totoong pagpapahalaga ang mga OFW na nasa labas pa ng bansa at ang mga bumalik sa Pilipinas na dahil pinatitibay umano ng mga ito ang pundasyon ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mga remittances na kanilang ipinapadala sa bansa.

Ayon pa kay Labog, bagaman at may nakakatanggap ng ayuda sa DSWD ang pamilya ng mga manggagawa ay kanila ring kinukundina ang mga paglabag sa karapatan ng mga mamamayan partikular na binanggit niya ang panggugulpi sa isang lalaking lumabag umano sa ECQ at ang dating sundalo nakapatay ng isang pulis na "trigger happy" sabay sabing hindi dapat umanong militaristic solution ang ginagawa ng pamahalaan at laging igalang ang karapatang pantao ng mga mamamayan.

Samantala, ayon kay Atty. Jacqueline De Guia, spokesperson ng Commission on Human Rights, na may mga nilalabag ang mga awtoridad kapag ang mga lumabag sa ECQ ay kanilang sinasaktan, pinapahiya at iba pang uri ng hindi makataong pagturing sa mga ito. Ayon kay De Guia, nilalabag umano ang Sections 4 at 5 ng RA 9745 o ang Anti-Torture Law sa bansa.

Aniya, tutulungan ng Komisyon ang sinuman na sa kanilang karanasan ay nilabag ang kanilang karapatang pantao at ito ay ginagarantiyahan ng Saligang Batas.

Kailangan lamang na kumuha ng medical certificate, kunan ng picture o video ang bahagi ng katawan na dumanas ng pisikal na pananakit mula sa mga tauhan ng gobyerno. Dapat din anyang gumawa ng sinumpaang salaysay ang biktima at kumbinsihin ang nakakita na tumestigo sa ginawang pang-aabuso sa kanya. Nagtagubilin din si Atty. De Guia sa mga mamamayan na huwag lalaban at mambabastos sa mga pulis at sinumang tagapagpatupad ng batas.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.