Kaya 'Di Tayo Umaasenso: Isang Reaksyon sa Eksena ng Pulitika
MARCHANISM MANIFESTO

Kaya 'Di Tayo Umaasenso: Isang Reaksyon sa Eksena ng Pulitika

Mar 30, 2026, 7:04 AM
Rommel Mark Dominguez Marchan

Rommel Mark Dominguez Marchan

Columnist

Sa gitna ng mainit na usapin sa bansa, muling umalingawngaw ang tanong: bakit tila mabagal ang pag-asenso ng Pilipinas? Ang naging pahayag ni Edison Bong Nebrija, MMDA Metrobase operations head, ay nagsilbing mitsa ng mas malalim na diskusyon matapos niyang batikusin ang ilang kongresista kaugnay ng viral na eksena sa impeachment hearing laban kay Sara Duterte.

Hindi maikakaila na ang pagdadala ng “Piattos” at “Mary Grace” products sa loob ng isang seryosong pagdinig ay tila kakaiba at para sa iba ay hindi angkop. Para kina Chel Diokno, Perci Cendaña, at Leila de Lima, ito raw ay isang simbolikong hakbang upang ipakita ang umano’y anomalya sa confidential funds. Isang malikhaing paraan, oo....ngunit tanong: epektibo ba o nakadagdag lamang sa ingay?


Dito pumapasok ang punto ni Nebrija. Sa kanyang pagkadismaya, sinabi niyang ang ganitong asal ng mga halal na opisyal ang dahilan kung bakit hindi tayo umuunlad. Bagama’t mabigat ang kanyang mga salita, may bahagi ng katotohanan dito. Sa halip na malinaw at seryosong talakayan, ang atensyon ng publiko ay nalilihis sa mga simbolo at palabas. Ang resulta.....mas maraming memes kaysa makahulugang diskurso.


Ngunit hindi rin patas na tingnan ito sa isang anggulo lamang. Ang simbolismo sa pulitika ay matagal nang ginagamit upang iparating ang mensahe sa mas madaling paraan. Sa isang bansang mataas ang emosyon sa politika, ang ganitong aksyon ay maaaring magmulat ng atensyon ng masa. Subalit, may hangganan ito. Kapag ang simbolo ay mas nangingibabaw kaysa sa substansya, nawawala ang tunay na layunin ng pagdinig.


Mas malalim ang ugat ng hindi pag-asenso ng bansa kaysa sa isang eksena lamang sa Kongreso. Ito ay sumasalamin sa kultura ng pulitika na minsan ay mas inuuna ang pagpapakita kaysa sa paglutas ng problema. Sa gitna ng mga pandaigdigang isyu tulad ng kaguluhan sa Middle East, mas lalong kinakailangan ang matatag, malinaw, at seryosong pamumuno.


Ang hamon ngayon ay hindi lamang para sa mga opisyal ng gobyerno kundi para sa bawat Pilipino. Ano ba ang hinahanap natin sa ating mga lider......aliw o aksyon? Ingay o solusyon? Sapagkat sa huli, ang pag-asenso ng bansa ay hindi lamang nakasalalay sa kanila, kundi sa kolektibong pagpili at pananagutan nating lahat.


Kung patuloy nating palalakpakan ang drama kaysa sa direksyon, baka nga tama si Nebrija.....at tayo rin ang may kasalanan kung bakit hindi tayo umaasenso.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MarchanismManifesto


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.