"Kapag inalis ang social media, para itong pagpatay sa liwanag sa isang silid na puno ng mga lihim. Bigla itong nagiging mas madaling lugar para sa katiwalian, dahil wala nang mabilis na daluyan ng impormasyon na maglalantad sa mga maling gawain. Ang transparency na ngayon ay nagmumula sa mga ordinaryong mamamayan...."
Sa panahon ngayon, halos lahat ng impormasyon ay dumadaloy sa loob ng ilang segundo. Isang pindot, isang upload, isang post.....at ang katotohanan, kahit pa pilit itinatago, ay lumalabas. Ngunit paano kung biglang maglaho ang mundong ito? Paano kung sa isang iglap, wala nang Facebook, X (Twitter), YouTube, at TikTok? Ano ang hitsura ng lipunan kung mawawala ang isang napakalaking sandata ng masa: ang social media?
Kapag inalis ang social media, para itong pagpatay sa liwanag sa isang silid na puno ng mga lihim. Bigla itong nagiging mas madaling lugar para sa katiwalian, dahil wala nang mabilis na daluyan ng impormasyon na maglalantad sa mga maling gawain. Ang transparency na ngayon ay nagmumula sa mga ordinaryong mamamayan......ang nagla-live video, nagpo-post ng larawan, nagbabahagi ng ebidensya.....ay mawawala. At sa pagkawala nito, muling mababalik ang kapangyarihan sa kamay lamang ng iilang may kontrol sa tradisyunal na media.
Ito ang unang panganib: ang pagbabalik ng kontroladong impormasyon.
Kung sino lang ang may hawak ng telebisyon, radyo, at pahayagan, sila ang nagtatakda kung alin ang katotohanan at alin ang dapat manatiling lihim. Kung ang nasa kapangyarihan ay puno ng intensyong magtago ng anomalya, napakadali sa kanilang pilayin ang daloy ng impormasyon. Wala nang viral exposé, wala nang video ng pang-aabuso, wala nang screenshot na magpapatunay ng katiwalian.
Ikalawa, magiging mas tahimik ang masa.
Sa social media, ang hinaing ng isang tao ay maaaring marinig ng libo-libo. Ang boses ng isang driver, guro, estudyante, o simpleng bystander ay pwedeng mag-ignite ng pambansang diskurso. Ngunit sa mundong walang social media, babalik ang reklamo sa loob ng bahay, tindahan, o palengke. Walang platform, walang pushback, at walang kolektibong sigaw na maaaring magpabagsak ng mapanlinlang na sistema.
Ikatlo, mas magiging mabagal ang imbestigasyon.
Maraming kaso ng katiwalian ang nabuksan dahil sa public pressure mula sa netizens. Kapag ang taumbayan ay nag-ingay, kayang pwersahin ang mga institusyon na kumilos. Ngunit kung wala ang online pressure na ito, posibleng manatiling tahimik ang mga kaso, lalo na kung malakas ang taong sangkot.
Ikaapat, madaling manipulahin ang katotohanan.
Isang press release lang ang kailangan, tapos na ang usapan. Wala nang fact-checking ng publiko, wala nang komento ng sambayanan, wala nang pagbusisi. Ang publiko ay muling magiging tagatanggap lamang, hindi tagasuri, hindi tagabantay.
Sa kabila nito, hindi naman perpekto ang social media. May maling balita, may manipulasyon, may toxicity. Ngunit kahit may mga kapintasan ito, nananatili pa rin itong mahalagang sandata laban sa katiwalian. Ito ang nagbubukas ng mata, nagpapalakas ng boses, at nagbibigay daan sa katotohanan.
Sa huli, kung mawawala ang social media, mawawala rin ang malaking bahagi ng accountability. At doon, tunay na sasabog ang korapsyon.....tahimik, malalim, at walang pumipigil.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews
