Third Zone by Boboy Yonzon
Third Zone

KAMANDAG NG KOMIKS

Apr 4, 2022, 5:04 AM
Boboy Yonzon

Boboy Yonzon

Columnist

Dumadagsa na naman ng komiks. Kahit na sa panahong ito na naghahari ang Tiktok, Facebook at iba pang daluyan sa social media, kailangan pa rin ng mga kandidato ng komiks para maabot ang nakararami.

Konting usapan, maraming larawan. Kuha na ang kwento. Yan ang bertud ng komiks na tinagurian ding “sequential art” o magkakasunod-sunod na drowing.

Maipagmamalaki ng mga tagalikha ng komiks sa Pilipinas na nagsimula ang sangay ng sining biswal na ito sa isang bayani, kay Jose Rizal nang iguhit niya “Ang Pagong at ang Matsing” bilang sequential art. Lumaganap ang komiks nang dumating ang mga Amerikano. Nagkaroon tayo ng mga magasin tulad ng Telembang at Lipang Kalabaw na hitik sa mga dibuho.

Lumundag mula sa mga pahina ng mga komiks si Kenkoy na gawa ni Tony Velasquez at si Maribini at marami pang iba na gawa naman Francisco Coching na lumaon ay naging National Artist.

Pagkatapos ng World War II, lumabas naman ang Halakhak Magasin at nabuhay na muli ang Liwayway. Nagsimula ang Golden Age of Comics sa Pilipinas noong 1950s at nagtagal hanggang 1970s. Kung ano ang pagkalulong ng mga tao ngayon sa cellphone o sa Korean drama, naging adik ‘ika nga ang mga Pinoy sa mga komiks.

Namayagpag ang Pilipino Komiks, Tagalog Klasiks, Hiwaga, at Espesyal. Ilang dosena ang mga sumunod mula naman sa ibang tagapag-limbag.

Ang mga komiks ang ginawang gripo ng mga taga-gawa ng mga pelikula sa Pilipinas. Sa mga nobela nito sila humuhugot ng mga istorya at inspirasyon. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang Darna, Sawa sa Lumang Simboryo, Malvarosa, at Kalabog n Bosyo. Marami. Napakarami.uniga

Ang mga Pilipinong ilustrador ay nakulimbat ng mga American publications tulad ng DC at Marvel. Naroon si Nestor Redondo, Alfredo Alcala, Tony Zuniga, Alex Nino at marami pang iba. Para ilarawan ang mga pantasiya ng mga puti.

Nawala ang kinang ng komiks sa Pilipinas nang naging malakas ang telebisyon at naimbento ang mga video tapes. Tuluyan itong nangisay nang binagsak ni Ferdinand Marcos ang Martial Law na sumikil sa karapatang makapagsalita. Noong panahon ng Martial Law, marahil bilang pasingaw sa mga naimpit na damdamin at tila paguudyok sa pamahalaan, lumaganap ang tinatawag na bomba komiks. Ito ay mga graphic depiction ng sex na ipinakita ang batuta at kaluluwa naman ni Eba.

Si Ferdinand Marcos mismo ay naglabas ng kanyang komiks noong siya ay tumakbo bilang pangulo noong 1965 at 1969. Isinulat ng pangkat ng dating Labor Secretary Blas Ople at iginuhit naman ni Hugo Yonzon, Jr. Sa komiks na ito na ang pamagat ay “For Every Tear, A Victory,” ipinalabas na isang magiting na sundalo si Marcos. Natuklasang fake pala ang mga natamong medalya.

Katulad ng ano mang medium, ang komiks ay maaaring magamit sa katotohanan o kabutihan at kasinungalingan o kalokohan.

Sa kabila nito, marami pa ring positibong mapaggagamitan ng komiks. Sa pagpapaliwanag. Sa pagtuturo. Sa paghihimay ng mga komplikadong konsepto. At siyempre, sa pagpapatawa. Sa pagpapaiyak.

Sa Japan, kung saan ang komiks o manga ay bahagi pa rin ng halos bawat tahanan, ginagamit ang komiks sa samu’t saring aspeto – mula sa pagtuturo kung papaano maglaro ng golf hanggang sa papaano magtalik na masaya at masarap.

Mahalagang gamit din ang komiks sa tinatawag ng development communication o komunikasyon na nakatuon sa pag-angat ng buhay ng lahat. Sa pagtatanim. Sa pagaalaga ng hayop. Sa tamang pagaaruga ng mga sanggol. Sa paggawa ng mga tahanang matitibay laban sa mga bagyo at lindol. Sa pagpapatakbo ng kooperatiba. At marami pang iba. Ang Pilipinas ay isang masugid na tagapagsulong ng development communication.

Ang komiks ay komiks. Para sa mga mahusay lumikha o maglatag nito, malakas ang kapangyarihan ng komiks na makahubog o maka-pagpihit ng pagiisip. Kaya ka nito papasukin sa ibang mundo, bigyang aliw at bolahin.

Kung kaya, ingat rin sa hawak nyong komiks. Suriing mabuti ang salaysay at ang kandidato mismo. Maghanap ka ng cross reference o ibang pinagmumulan ng datos. Maging kang sarili mong detective sa binubuo mong larawan. Huwag maging uto-uto, bobo, o pokpok. Huwag magpabaya.

Nasa iyo ang kapangyarihan, sa pamamagitan ng iyong boto, na lumikha na maganda, maayos at maunlad na Pilipinas. Wika nga sa komiks din “with great powers, comes great responsibility.” In other words, huwag kang gago.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.