Sa panahon ng giyera, kalsada ang isang mahalagang daan para magtagumpay sa laban.
Kalsada rin ang uunahing ayusin para madala ang mga gagamitin para sa rehabilitasyon ng nasirang lugar, bahay at buhay na biktima ng digmaang tila laro lang sa pagdaloy ng interest ng isang makasariling lider na gustong magpasikat sa kanyang tagahanga na tulad din nya ay nagnanais na makipaglaro sa kapalaran ng mga mamamayang nakakulong sa tanikalang matagal nakagapos sa kanila.
Kalsada rin ang laging maririnig na pangako ng mga politikong gustong hikayatin ang mga botanteng madaling mapaniwala na kaya niyang ipagawa ang kalsadang mag-uugnay sa kanilang lugar tungo sa kabayanan.
Napapaniwala ng mga politiko ang mga mamamayan na sa kalsadang ipapagawa niya ay mas magiging mabilis ang serbisyong kanyang ihahatid upang maramdaman nila na ang gobyerno ay abot kamay lang nila.
Ngunit makalipas ang maraming panahon, paulit-ulit na pangako tuwing may eleksyon.
Hindi nakita ng mga mamamayan na umasa sa ipinangakong kalsadang umano'y magpapabago sa kanilang kalagayan lalo na yaong nasa malayong kabundukan at kapatagan.
Unti-unti ng nakikita ng mga pilipino na ang kalsadang ipinangako ay siya palang ginagamit ng mga politikong tiwali upang makapagnakaw ng bilyong-bilyong piso na kung makaasta ay akala mo ay matapat na lingkod ng bayan.
Nakalulungkot lang dahil ang kalsada na dapat ay totoong magpapalaya sa kahirapan ng mga mamamayan ay ginagawang gatasan lamang ng mga walanghiyang politiko at mga opisyal ng pamahalaang huwad ang paglilingkod sa bayan.
Ikaw ba, may nakikita ka bang maayos na kalsada? Kung meron, sa tingin mo ba ay tama ang timpla ng semento, graba at may bakal ba ang mga ito?
Baka tulad din ito ng nakita ko na pagkalipas ng ilang buwan matapos na gawin ang kalsada ay lubak-lubak na pero ang bayad dito ay nakolekta na ng mga kontraktor at mga kasabwat nila.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #TheEqualizer

