iTalk by Ismael Amigo
iTalk

Isyu ng Voter’s ID at tulong pinansiyal

Feb 15, 2024, 2:35 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Sa hindi inaasahang pagkakataon, naliwanagan tayo sa kontrobersiya kung bakit parating itinatanong ang Voter’s ID sa tuwing mayroong manghihingi ng cash assistance sa opisina ng mga public officials para sa hospital bills.

Nito kasing Huwebes (08 Feb 2024) napadpad tayo sa opisina ni Congwoman Maitet Collantes sa loob ng Tanauan Institute na pag-aari ng pamilya ni Tanauan City Mayor Sonny Collantes.

Habang kahuntahan natin si Ka Dennis Collantes ay mayroong dumating na maybahay na lumapit ng tulong pinansiyal para sa kanyang asawang naka-confine sa isang ospital sa Tanauan.

Tanong agad ng babae kung pupwede sana siyang makahingi ng konting tulong pinansiyal kay Congw Maitet Collantes dahil aniya ay malaki-laki na ang bill ng kanyang asawa na may sakit.

Payo sa kanya ay humingi siya ng temporary bill sa ospital upang maging basehan kung magkano ang nararapat na ipagkakaloob na cash assistance.

Kasunod nito ay hinanapan ang ginang ng Voter’s ID ng kanyang asawang naka-confine.

Negative.

Sa Calamba City umano nakarehistro ang kanyang asawang may sakit.

“Misis, sorry negative po tayo riyan. Numero uno pong requirement ang Voter’s ID,” paliwanag sa kanya ni Ka Dennis.

“Kahit pa po, lahat kayo nakarehistro sa Tanauan o maging sa Malvar man o sa Sto Tomas City, pero ang pasyente ay hindi, negative po tayo riyan. Hindi po siya mabibigyan ng tulong pinansiyal. Kahit saan pa po kayo magtungo ‘yan din po ang sasabihin sa inyo.”

Dahil hindi na po tayo nakatiis, nakisawsaw na rin po ang inyong abang lingkod sa usapan.

“Pero Ka Dennis, mayroon pong inilabas na kautusan ang DILG na nagsasabing hindi kailanman pwedeng gamiting panuntunan ang Voter’s ID sa pagdidispensa ng tulong pinansiyal sa may mga sakit sa kanilang hospital bill lalo na noong kasagsagan ng Covid pandemic.”

“Tama po kayo riyan,” sambit ni Ka Dennis.

“Ang kaso po, yan po ang kautusan sa amin ng COA (Commission on Audit). Hindi lamang po sa nais naming makaiwas sa pagbibigay ng cash assistance kundi kami po ang malilintikan sa COA,” dagdag pa niya.

“Kami po ay sumusunod lamang po sa COA.

Sumunod nito ay pinayuhan na lamang ni Ka Dennis ang ginang na lumapit na lamang sa mga party-list congressmen baka sakali mabigyan siya ng tulong pinansyal sa kadahilanang walang partikular na distrito o balwarte ang mga ito.

Ipinaliwanag pa ni Ka Dennis kung bakit ginawa ito ng COA na maging basehan ang Voter’s ID ay upang hindi maabuso ng publiko na manghingi sa kung saan-saang lugar na Congressman o sino pa mang public official.

Pinayuhan na lamang namin ang ginang na mag-tungo sa public assistance office ng mismong ospital dahil naroroonan na rin naman na ang PCSO, PhilHealth, DSWD, pati na ang DOH.

Apat na yan. Mas mainam kung mayroon ka pang Voter’s ID kasi nga, higit na mas mainam ang lima.

Kaya, simula Pebrero 12, 2024 pumila na sa inyong tanggapan ng Comelec o dili kaya’y sa mga mall kung saan mahigit diumano sa isangdaan (100) malls ang kausap ng Comelec na tumulong sa kanilang Voter’s ID registration program para sa darating na halalan 2025.

#iTalk #IsmaelAmigo #VotersID #ID #LocalGovernment #OpinYon #WeTakeAStand



We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.