Ina ni Catherine kay Jepoy Magsalita ka na
iTalk

Ina ni Catherine kay Jepoy: 'Magsalita ka na!'

Jan 24, 2024, 12:45 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

"Salamat po Panginoon."

Ang simple ngunit makahulugang mga katagang ito ay matatagpuan sa FB post ng kapatid ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.


Ito ay bilang tugon sa lumabas na balitang opisyal nang sinibak sa serbisyo ang prime suspect sa pagkawala ni Catherine na si Police Major Allan de Castro.


Simple, mariin ngunit makahulugan ang naturang post para sa pamilya ni Catherine na umaasa ngayon na "sana," ayon sa kanyang ina, "ay magsalita na rin si Jeffrey Magpantay" na driver ni de Castro dahil aniya ay "importante sa amin ang malaman kung ano ang totoong nangyari sa pagkawala ni Catherine noong October 12, 2023.


Inanunsyo ng Police Regional Office (PRO) 4A (Calabarzon) nitong Huwebes ang pagkatanggal sa puwesto ni Major Allan de Castro, ang pulis na iniuugnay sa pagkawala ng kandidatang beauty pageant na si Catherine Camilon.


Ipinahayag ni PRO 4A Chief Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas sa isang pahayag na ang pagsibak kay de Castro ay epektibo simula pa noong Enero 16 kasunod ng imbestigasyon na isinagawa ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) 4A.


Ang kaso laban kay de Castro ay may kinalaman sa alegasyon ng hindi nararapat na asal ng isang pulis, na nagmula sa komprehensibong imbestigasyon ng RIAS 4A na nagpapakita ng ebidensya ng lihim at labag sa kasal na relasyon sa pagitan ni de Castro at Camilon.


Binigyang-diin ni Lucas ang pangako ng PRO Calabarzon na isagawa ng makatarungan at walang kinikilingan na imbestigasyon sa mga akusasyon ng masamang asal, anuman ang ranggo o posisyon ng indibidwal.


"Hindi namin papayagan ang aming tauhan na maging bahagi ng mga ganitong insidente na magdudulot ng bahid sa imahe ng PNP, lalo na dito sa PRO Calabarzon," wika ni Lucas sa working media.


Itinatampok ni Lucas ang pagtatanggal kay de Castro bilang isang independiyenteng administratibong aksyon, at ipinaliwanag ang pagkakaiba nito mula sa patuloy na kriminal na imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ni Camilon.


Malinaw po ito sa lahat sana na nilinaw maigi ng pulisya na walang kaugnayan ang pagsibak kay de Castro sa kaso (criminal case) ng pagkawal ni Camilon.


Dito pumapasok ang panalangin ng ina ni Catherine na sana nga ay "magsalita na itong si Jeffrey 'Jepoy' Magpantay" upang madiin na ang dapat madiin at masintensyahan ang dapat sintensyahan.


Saganang akin, ngayong sinibak na itong si de Castro sa serbisyo, maari na itong maging simula ng 'ika nga "breakdown" ng pader na kanilang itinayo upang maitago ang kung ano ang totoong nangyari noong araw na yon noong Oct 12, 2023.


Patuloy naman ang pag-usad ng hustisya sa kaso ni Catherine, at nagkaroon na ng tatlong preliminaryong imbestigasyon mula pa noong Disyembre.


Alam ng lahat na, na kay Jepoy ang susi ng ikalulutas ng kaso ni Catherine. Dahil, una, namataan at itinuro siya ng dalawang witnessses na lumutang na anila ay nakita nila ito nang gabi na inilipat diumano si Catherine sa isa pang sasakyan na "duguan."


Ayon pa sa mga lumabas na balita noon ay nagtalo diumano sina de Castro at Catherine matapos malaman diumano ng dating hepe ng Bauan na kinausap ni Camilon ang asawa ni de Castro sa CP at isiniwalat diumano nito na mayroon silang relasyon.


Mga otaw, alam na this: kapag nasukol si lalaki na may milagrong ginagawa ang unang reaction nito ay "magwala."


Si Catherine Camilon, isang guro sa bayan ng Tuy, ay huling nakitang buhay noong Oktubre sa isang mall sa kalapit na Lemery. Ang huling komunikasyon niya sa pamilya ay nang tumawag siya upang ipaalam na siya ay nasa Bauan at patungo sa isang miting sa Batangas City.

#iTalk #IsmaelAmigo #CatherineCamilon #AllanDeCastro #JeffreyMagpantay #OpinYonColumn #OpinYon #WeTakeAStand


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.