How can some Filipinos still defend Vice President Sara Duterte in her attacks and diatribes against those who wish to see accountability and transparency in her governance has been beyond the minds of rational thinkers.
But to me, it's symptomatic of a society who refuses to be questioned when things go wrong. (Forgive me if I decide to switch to Tagalog here, but I think I need to say what I need to say in a way that the masses will understand. And anyway, this will be my way to commemorate Buwan ng Wika.)
Kakabit ng "sumunod ka na lang" na pag-iisip ng ilan sa ating mga kababayan ay ang "huwag ka nang magtanong" na pag-iisip. Dahil ang mga magulang ang itinuturing na moral authority sa bahay, natutuhan natin na huwag nang kuwestiyunin ang kanilang bawat sabihin o iutos sa atin.
Wala namang problema ito sa aking palagay, kung ang ating mga magulang ay tunay na nais tayong dalhin sa tamang landas. Pero paano kung yung mga magulang na dapat ay maging “role model” sa ating buhay ang siyang napapariwara?
Bakit gabi-gabing umuuwi si Tatay na lasing? O di kaya, bakit laging nasa madyungan o tsismisan si Nanay? O bakit laging may “biglaang” lakad si husband o “trabaho” na wala namang alam ang mga kasama niya? Ang laging sagot sa mga tanong na iyan? “Huwag ka nang magtanong.”
Sa trabaho, kapag nakikita natin ang mga “petty deceit” na ginagawa ng ating mga kasamahan, sasabihan ka noon ng “huwag ka nang magtanong.” O ang boss mo, kapag may mga kinakaltas sa sweldo na hindi naman pala napupunta sa dapat kalagayan, sasabihan kang “huwag ka nang magtanong.” Kapag may nakikita kang nilalagay na “filler” sa siopao, sasabihan kang “huwag ka nang magtanong.”
At dahil mas mahalaga sa atin na maipakita (kahit na pakitang-tao lang) na tayo ay isang buo at masayang pamilya, o di kaya ay magkunwaring things are going well (kahit na hindi), karaniwan ay hindi na talaga tayo nagtatanong. Ang naging mindset natin ay: Better to live in a happy fantasy than get shattered by reality.
At itong mindset na ito ang tila na-exploit ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, mula sa barangay hanggang sa pambansang lebel. Ayos pa naman ang kalsada, bakit natin binabakbak? Huwag ka nang magtanong. Bakit ganito ang patong natin sa mga presyo sa procurement? Huwag ka nang magtanong. Mga taga-dito ba talaga yang mga hinakot mo para sa campaign rall mo? Huwag ka nang magtanong.
Ang isang bayang takot magtanong ay isang bayang madaling lokohin – at handing magpaloko. Kaakibat ng “pagsamba” natin sa mga pulitiko at pagtakwil sa mga itinuturing nilang “kaaway,” ang mindset nating ito ang siyang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi tayo makasulong bilang isang bansa at bilang isang Lipunan.
Nalalapit na ang halalan, kaya ito ang dapat maikintal sa isipan ng mga botante kung ayaw nilang matawag na “bobotante”: walang masamang magtanong. Dahil ang pagtatanong ang siyang maglalapit sa atin sa tunay na pag-unawa sa mga isyung kinakaharap natin sa kasalukuyan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonColumn #ColumnbyJamesVeloso #UnCommonSense