iTalk by Ismael Amigo
iTalk

Harurot Pa More Mga Ka-Motmot Sa Daan; STC Umaalingasaw Na!

May 8, 2024, 12:38 AM
Ismael Amigo

Ismael Amigo

Columnist

Ito’y hindi gawa-gawa lamang o kathang isip.

At hindi lamang ako, o kahit yung mga tindera’t tindero na nagbebenta ng mga fishball at kung anu-ano pang mga ball sa may kahabaan ng Maharlika Highway mula sa kanto ng Putol Street sa may Lifestyle Strip magpahanggang main gate ng Avida, iisa ang kanilang reklamo – masangsang na amoy na galing sa imburnal.


At tinitiyak natin na magpahanggang sa village (Avida, San Rafael Estate) kung saan nakatira si Mayor AJAM ay abot ang maalingasaw na amoy na ito nang pinaghugasan ng isda, dajil nasa bandang ibabaw lang ang tinitirhan ni Mayor AJAM mula sa planta.


“Araw-araw na nga lang po yan sir, na ganyan ang amoy dito sa harap namin sa may imburnal. Ambaho po talaga. Malamang galing po yan don sa factory ng sardinas,” wika ng tindira ng bagong bukas na sikat na pandesalan sa may bagong supermarket sa bukana ng Avida.


Malansang Amoy

Dati na rin itong inangalan ng mga mamamayan ng Sto. Tomas City (STC) at ginawan ng paraan ng Mega Foods Sardines at nawala ang malansang amoy ngunit dahil hindi ngayon naguulan, hindi nawa-washout ang mga pinaghugasan ng isda sa kanal.


Bago pa ang 2022 elections nasimulan ang construction ng planta ng sardinas na ito ngunit tinitiyak natin na hindi commensurate ang mga trabahong naibigay o naidulot nito sa lungsod kapalit ng araw-araw na masangsang at nakakasulasok na amoy.


Sa susunod, kukunin nating muli ang pahayag ng CENRO ukol dito. Abangan...


Malagim Na Disgrasya

Maging ang inyong pong lingkod ay nagmomotor din kahit pa ilang disgrasya na ang inabot ngunit sa kabutihang palad wala pa naman po tayong nasasagasaan sa daan na umabot sa hindi magandang naging kalagayan ng biktima.


Kamakailan ay mayroon na namang trahedya sa daan sa Lipa City kung saan isang lolo ang binawian ng buhay matapos na mabundol ng humaharurot na motmot (mnotorcycle ) habang isinasalba ang kanyang apo na nasa daan.


Kung talagang nakatingin ang isang motorista sa kanyang dinadaanan, kotse man o motorsiklo ang dala, kahit papaano ay makukuhang iwasan nito ang isang biktima sa pamamagitan ng konting kabig ng manibela sa kanan o sa kaliwa o sa pamamagitan ng pagpreno.


Nasangkot na po ang inyong lingkod ng disgrasya sangkot ang isang motorsiklo.


Dahil Uso Ang Celphone?

Dala ko noon ay isang Hi Ace na van. Pagtingin ko kaliwa, malayo pa ang tingin ko sa papalapit na motorsiklo kung kaya’t itinuloy ko ang pag-U-turn.


Sa hindi ko inakala, nakita kong gumiwang-giwang ang maneho ng nakamotor hanggang sa humampas pa rin sa kanto ng van sa bandang kaliwa.


Pakiwari ko, kung hindi siya nabigla – dahil seguro hindi nakatingin sa dinadaanan – hindi sana niya aabutin pang tumama sa kanto ng van dahil konting kabig lang sana sa kanan ay malaya siyang makakaalpas.


Ito ang mga sanhi ng maraming disgrasya sa daan. Lalo na sa mga panahon ngayon uso na ang cell phone.


Madami riyan ang nakatingin sa kanilang mobile phone habang nagmamaneho.


Konting ingat po mga kamot-mot dahil kayo man ay tiyak na may mga naghihintay sa mga bahay ninyo na mga mahal niyo sa buhay gaya ng kung sino mang biktima sa daan.


Save lives, drive safely. (ismaelamigo@yahoo.com )

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonColumn #ColumnbyIsmaelAmigo #iTalk


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.