Open Line Column by Bobby Ricohermoso
Open Line

Galit na ang mga negosyante

Sep 14, 2021, 1:47 AM
Bobby Ricohermoso

Bobby Ricohermoso

Editor

HINDI nagsisinungaling ang resulta nang business survey sa mga business owner dito sa bansa na isinagawa ng PricewaterhouseCoopers (PwC) Philippines kasama ang Management Association of the Philippines (MAP) kamakailan.

Lumabas sa nasabing survey na 66 porsiyento ng mga chief executive officer (CEO) ng mga kumpanya ang hindi masaya o di kaya ay nakukulangan sa isinasagawang vaccination rollout ng pamahalaan.

Naniniwala rin sila na dahil nga palpak at mabagal ang vaccine rollout ay magiging dahilan din ito para maantala ang pagbangon ng ekonomiya mula sa pre-pandemic level.

Matatandaan na bago umatake ang pandemya noong 2019 ay itinuturing ang Pilipinas na isa sa may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya dito sa Asya dahil na rin sa masiglang kalakalan at turismo.

Lumabas din sa datos ng survey na nahuhuli ang bansa kumpara sa mga karatig-bansa natin sa Asya dahil 12.9 porsiyento pa lang ng target na populasyon natin ang nababakunahan hanggang noong Setyembre 3.

Masiyadong mababa ang 12.9 percent kumpara sa Singapore na 75.3% na ang nabakunahan, ang Japan ay 47.3%, sa Malaysia ay 47.1%, ang Hong Kong ay nasa46.4%, at maging Indonesia na mas mataas ang populasyon keysa sa atin ay 13.4% na ang nabakunahan.

Base sa mga huling datos, mula sa 100 milyong populasyon natin, 16,794,545 pa lang ay may full dose, samantalang 21,951,956 naman ang may first dose.

Maliwanag na inip na inip na talaga ang mga negosyante sapagkat gusto na nilang maibalik sa dating sitwasyon ang pagnenegosyo, at alam nilang ang isa sa mga susi dito ay ang pagbabakuna sa mayorya ng ating populasyon.

Ang problema , mabagal na nga ang rollout ng bakuna ay magulo pa ang polisiya ng pamahalaan pagdating sa pagpapatupad ng mga quarantine restriction,

Katulad na lang halimbawa noong nakaraang linggo kung kailan inanunsyo niPalace Spokesman Harry Roque na ibabalik na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Natural na natuwa ang mga negosyante lalo na iyong mga may-ari ng mga restaurant, parlor, mall at iba pa.

Kaya naman agad nilang ipinatawag ang kanilang mga empleyado at namili na rin sila ng mga supply tulad ng mga karne at iba pa para sa mga restaurant owner na gagamitin sa kanilang mga ilulutong putahe.

Subalit laking dismaya nila nang bawiin ang anunsyo at ibinalik agad sa MECQ ang Metro Manila, at sa halip ay pinalitan ito ng hindi maintindihang alert level classification na magsisimula daw sa Setyembre 16.

Iyan ay kung hindi na naman babawiin at babaguhin ng IATF ang bagong patakarang ito.

Masiyadong marami na ang naghihirap at apektado ng pandemyang ito , kaya naman inaasahan sana ng mga mamamayan at ng mga negosyante na may klaro at maayos na polisiya hindi lamang sa vaccine rollout kundi maging sa mga quarantine restriction.

Ang masakit pa nito, maliban sa palpak na pamamalakad ay nakababalita pa tayo nang mga katiwalian sa gobyerno katulad ng sa Pharmally na mukhang nakinabang ng husto sa gitna nang pandemya.

Kaya naman talagang nakagagalit na ang nangyayari sa bansa at may katuwiran ding mag-ngitngit ang ating mga negosyante at mga manggagawa.


More about Open Line

Open Line Column by Bobby Ricohermoso

Tatakbo ba si RSA?

a week ago

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2021 OpinYon News. All rights reserved.