MARCHANISM MANIFESTO
MARCHANISM MANIFESTO

Dolomite Beach at ang Baha: Talaga Bang Ito ang Sanhi?

Jul 21, 2025, 7:15 AM
Rommel Mark Dominguez Marchan

Rommel Mark Dominguez Marchan

Columnist

Sa gitna ng malalakas na ulan at baha sa Kamaynilaan, muling nabaling ang pansin ng publiko sa kontrobersyal na Dolomite Beach sa Manila Bay. Kamakailan, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na maaaring nakadagdag ito sa pagbaha sa Taft Avenue at Ermita, lalo na’t may mga drainage na isinara umano dahil sa proyekto.

Pero sa aking munting pananaw, hindi makatwiran na ang Dolomite Beach ang tuwirang sisihin sa lumalalang pagbaha sa Metro Manila. Marapat sigurong suriin ang mga mas malalalim at matagal nang ugat ng problema.


Una, ang pagbaha sa Maynila ay hindi bago. Taft Avenue at Ermita ay kilalang low-lying areas na prone sa pagbaha kahit bago pa man ipanganak ang ideya ng dolomite beach. Sa dami ng urban development, nawawala na ang natural drainage systems gaya ng mga estero at ilog. Hindi rin maikakaila ang epekto ng informal settlements na nakaharang sa mga waterways at kanal.


Pangalawa, ang tunay na problema ay ang kulang sa maayos na solid waste management. Basura ang madalas nagbabarado sa mga drainage, hindi buhangin o dolomite. Sa bawat buhos ng ulan, tambak ng plastic, styrofoam, at iba pang basura ang lumulutang at bumabara sa mga imburnal. Kahit pa anong ganda ng drainage system, kung barado, tiyak ang pagbaha.


Pangatlo, ang infrastructure at maintenance ang mas dapat tutukan. Kung may isinara mang drainage sa panahon ng proyekto, dapat itong tugunan agad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng local government. Ngunit ang simpleng pagsisi sa dolomite ay tila isang scapegoat upang takpan ang mas malaking kapabayaan sa urban planning.


Hindi ko sinasabing perpekto ang dolomite beach. Isa itong proyekto na dapat patuloy na suriin kung tunay bang nakatutulong sa kalikasan at kabuhayan ng mga tao. Ngunit hindi ito dapat gawing pangunahing salarin sa taun-taong pagbaha.


Ang tunay na solusyon ay hindi ang pagturo ng daliri, kundi ang pagtutulungan. Kailangan nating ayusin ang garbage disposal, i-rehabilitate ang mga estero, linisin ang mga kanal, at tiyakin ang transparency sa mga urban projects.


Sa huli, hindi dolomite ang problema—kundi ang sistema.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #MarchanismManifesto


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.