Disiplina o Karahasan? Ang Hindi Matapos-tapos na Hazing
MARCHANISM MANIFESTO

Disiplina o Karahasan? Ang Hindi Matapos-tapos na Hazing

Apr 23, 2026, 5:44 AM
Rommel Mark Dominguez Marchan

Rommel Mark Dominguez Marchan

Columnist

Muling nabalot ng kontrobersiya ang Philippine National Police Academy matapos ang ulat ng hazing....isang gawain na matagal nang ipinagbabawal ngunit tila patuloy na bumabalik sa iba’t ibang anyo. Mariing kinondena ng National Police Commission ang insidenteng ito, na ayon sa kanila ay isang malinaw na paglabag sa batas at tahasang pagyurak sa dignidad ng tao.

Ngunit ang tanong: bakit nga ba may hazing pa rin?


Una, umiiral pa rin ang kultura ng “tradisyon.” Para sa ilan, ang hazing ay itinuturing na ritwal ng pagtanggap.....isang maling paniniwala na kailangang pagdaanan ang sakit upang mapatunayan ang katatagan. Ang ganitong mindset ay mapanganib, sapagkat ipinapasa lamang nito ang karahasan mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.


Ikalawa, may kakulangan sa mahigpit na pagpapatupad ng batas tulad ng Anti-Hazing Act of 2018. Bagamat malinaw ang parusa, may mga pagkakataong nagkukulang sa monitoring, o di kaya’y may pagtatakip na nagaganap sa loob ng institusyon. Kapag walang napaparusahan, lalong lumalakas ang loob ng mga gumagawa nito.


Ikatlo, may aspeto ng takot at pananahimik. Maraming biktima ang hindi nagsasalita dahil sa pangamba.....takot na mapahiya, maparusahan, o hindi tanggapin ng grupo. Sa ganitong sitwasyon, nagiging tahimik ang sistema, at patuloy na umiikot ang siklo ng pang-aabuso.


Ngunit higit sa lahat, ang hazing ay repleksyon ng mas malalim na problema.....ang kakulangan sa tunay na pag-unawa sa respeto at dignidad ng kapwa. Sa isang institusyong tulad ng PNPA, na humuhubog ng mga tagapagpatupad ng batas, ang ganitong gawain ay lubhang nakababahala. Paano magtatanggol ng karapatan ang isang taong sinanay sa pamamagitan ng paglabag dito?


Hindi sapat ang pagkondena. Kailangan ng konkretong aksyon....mahigpit na imbestigasyon, pananagutin ang may sala, at higit sa lahat, baguhin ang kultura. Ang disiplina ay hindi kailanman dapat itinatag sa takot at pananakit.


Sa huli, ang tunay na lakas ng isang institusyon ay hindi nasusukat sa tindi ng hirap na ipinaparanas, kundi sa lalim ng respeto at malasakit na itinatanim nito sa bawat miyembro. Hangga’t hindi ito nauunawaan, mananatiling buhay ang multo ng hazing sa ating lipunan.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.